08/10/2025
𝗣𝗶𝗻𝗮𝗽𝗮𝘀𝗼𝗸 𝗸𝗼 𝘀𝗶 𝗘𝗹𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗯𝗮𝗻𝘆𝗼..𝗮𝘁 𝘀𝘂𝗺𝘂𝗻𝗼𝗱 𝗮𝗸𝗼..
“Uy, maganda sa picture pero mas maganda pa sa personal” sabi ni Ella habang binubuksan ko pa lang ang pinto ng kotse.
Presko pa ang hangin kahit malapit nang magtanghali, may simoy na mabango - halong bagong tabas na damo, bagong dilig na lupa, at kape mula sa dirty kitchen. Sa malayo, nakasandal ang bundok sa kulay asul na kalangitan.
Tahimik pero hindi nakakatakot na tahimik. May mga sasakyan pa ring dumadaan, at sa gilid, ilang tindero ng buko. Sa di kalayuan, may ilang maliliit na bahay din.
Sa wakas, nakapag-bakasyon din.
“Pwede na tayong magpakasosyal kahit tatlong araw lang,” sabi ko, sabay kindat sa kanya. Dalawa kaming independent at bumubuhay ng sarili sa Maynila - parehong pagod, parehong laging nagtitipid. Pero ngayong long weekend, para sa amin muna ‘to.
Paglapit namin sa gate, may lalaking nag-aantay - mga singkwenta na siguro, may bilugang tiyan pero maayos magsalita.
“Kayo po ba ‘yung nagpa-book sa villa?” tanong niya.
“Opo, ako po si Jane at kasama ko po si Ella.” sagot ko.
“Uncle Dom, na lang itawag ninyo sa akin. Nahirapan ba kayong hanapin itong bahay?" tanong niya.
Bago pa ako nakasagot ay may lumabas din na isa pang lalaki.
"Si Paul pala, pamangkin ko, siya na muna ang bahala dito. May lakad lang ako, baka sa huwebes na makabalik.”
Ngumiti ang binatang tinutukoy niya - manipis ang boses, payat, at laging nakayuko. Pero maayos at magalang.
“Good morning po,” sabi niya.
“Good morning din,” sabay naming sagot, sabay din ang kindat ni Ella sa akin.
Madali ang check-in, Nilista lang kami ni Uncle Dom sa log book, inabot ang susi at lumabas na ulit sa gate. Nilibot kami ni Paul sa property - may maliit na pool sa likod, mga kwarto sa itaas, at kusinang amoy na bagong linis.
Habang nag-aayos kami ng gamit, narinig pa namin si Uncle Dom sa labas:
“Paul, ikaw na muna bahala. Huwag mong kalimutan pakainin ang mga alaga.” habang pasakay siya sa sasakyan.
“Opo, Tito.” sagot ng binata habang pabalik na sa main house.
Solo na namin ang place - nagbukas kami ng beer at hinanda ang dalang pagkain. May mga pinamili din kaming lulutuin pero nilagay muna ang mga ito sa refrigerator.
Maingay si Ella sa kakatawa, ako naman nakatingin lang sa pool mula sa bintana. Ang ganda - asul na asul, at walang ingay kundi lagaslas ng tubig.
Ang dami naming balak gawin pero halos tulog lang ang nagawa namin sa aming unang araw. Eto na siguro ang mga naipong puyat sa pagtatrabaho.
Kinabukasan, sumikat ang araw. Nagluto si Paul ng simpleng almusal, at habang kumakain kami, may kumatok sa gate-tatlong lalaking kaedad niya, medyo brusko, tawanan nang tawanan.
“Mga tropa ko po,” paliwanag niya.
Tumango kami, pero ramdam kong nanlamig ang batok ko nang makita ko kung paano tumingin ‘yung isa sa amin. Diretso, parang kinikilatis kami.
“Friendly lang ‘yan,” bulong ni Ella, pero kita kong hindi rin siya kampante.
Nang hapon, habang nagre-relax kami sa tabi ng pool, nakita kong nak**asid ‘yung mga lalaki. Ano ba ito, ang tagal kong hinintay makapag swimsuit tapos meron namang nakatitig ng alanganin. Nagpasya na lang kaming maligo.
Ilang minuto lang ay nang mag-vibrate ang phone ko na nakapatong sa twalya. Message galing kay Paul.
“Ate sorry ha, may mga kasama ako. Pero safe lang kayo d’yan, don’t worry.”
Ngumiti ako. Okay lang, baka totoo namang harmless. Pero habang binabasa ko ‘yun, nagsalita si Ella, umahon, nagtakip ng tuwalya at malamig ang boses:
“’Yung isa sa kanila, kanina pa dungaw ng dungaw.”
Napatingin ako - wala na. Pero hindi ko maalis sa isip ‘yung ngisi niya kanina nung kumakain kami ng almusal.
Palubog na ang araw at mukhang solo lang ulit namin ang lugar. Mukhang napag-sabihan ni Paul ang mga kasama. Finally, na-enjoy ulit namin ang pagkakataon.
Kinagabihan, kumain kami ng adobong pusit at nagpatugtog ng mahina. Nagkukuwentuhan kami, hanggang sa biglang namatay ang ilaw.
“Brownout?” tanong ni Ella.
Binuksan ko ang phone flashlight - ang pool sa labas, madilim na at parang wala ring hangin.
Biglang may sumutsot - alam kong hindi galing kay Paul.
“Okay ba kayo jan, mga miss?”
Tinakbo ko ang pinto sabay senyas kay Ella na puntahan ang pinto sa likod. Inikot ang mga lock.
Sa labas, may yabag. Tatlo, apat.
Sa bintana, may kumalansing.
“Baka si Paul lang!” sabi ni Ella, nanginginig.
Pero may sumagot, tonong lasing:
“Si Paul nga.” sabay halakhak.
“Buksan n’yo na, ‘wag na kayong maarte.”
Nataranta kami. Kinuha ko ang upuan, isinandal sa pinto. Sa labas, naririnig ko si Paul, parang nagmamakaawa. “Tama na, lasing na kayo! Huwag---”
Isang kalabog. Tumahimik.
Sinubukan namin ang mga phone, pero walang wifi. Tanging tunog lang ng mahinang ambon sa bubong at yapak sa labas ang dinig.
“Ella,” bulong ko, “sa banyo tayo.”
Pero bago ko pa mahawakan ang doorknob, may kumalansing ulit. Sa bintana, sa mismong salamin, may sumilip - ’yung lalaking kanina nakatingin sa amin sa pool.
“D’yan lang kayo, miss,” sabi niya. “Makakapasok din kami.”
Sa huling sindi ng flashlight, nakita ko si Ella, nanginginig. Pinapasok ko siya sa banyo at sumunod ako.
Bago ko pa tuluyang maisara ang pintuan sa banyo ay biglang: Liii-BAAAAG
Takot na takot kami. Hindi na sigurado kung anong mas nakakakilabot: ang dilim sa labas, o ang mga lalaking pumasok.
Ang alam kong sigurado ay wala nang darating pa para tumulong.