31/08/2025
Noon, ang lugar na ito ay isang tiwangwang na lupa—walang buhay, walang saysay, at tila walang patutunguhan. Ngunit sa likod ng tiwangwang na lupa at kawalan, may pangarap na sumibol. Isang pangarap na baguhin ang anyo ng lupa, at bigyan ito ng bagong kwento.
Hindi naging madali ang simula. Sa ilalim ng matinding init ng araw at minsan ay sa buhos ng ulan, kami’y humawak ng pala,naghukay Ng putik at nag-umpisa. Ang bawat hukay ay hindi lamang lupa ang inaalis kundi pati pagdududa na minsan ay dumadalaw sa aming isipan. Pawis at pagod ang puhunan, ngunit ang pag-asa ang siyang aming pinanghawakan.
Unti-unti, mula sa lupaing walang anyo ay nabuo ang hugis ng aming pangarap. Bawat hakbang ng pagbabago ay bunga ng bayanihan at pagtutulungan—mula sa kamay ng bawat isa na hindi nag-alinlangan,ay binuo ang isang pangarap na Alam naming nalang araw ay pakikinabangan.
Hanggang sa dumating ang araw na ang dating tiwangwang na lupa ay tuluyang naging LAWA. Hindi lamang ito isang lawa, kundi isang simbolo ng sakripisyo, pagkakaisa, at tagumpay. Ang lugar na ito na minsan ay walang halaga, ngayon ay dinarayo na ng mga tao. Isa na itong tourism spot—isang lugar ng pahinga, kasiyahan, at inspirasyon.
Ang Project LAWA ay hindi lamang proyekto, ito ay patunay:
Na ang pangarap, gaano man kaliit, ay maaaring maging realidad.
Na ang pagod at hirap ay may kapalit na tagumpay dahil sa pagsisikap.
Na ang bawat tiwangwang na lupa, basta’t may malasakit at pagtutulungan, ay maaaring maging buhay na alaala na magmamarka sa pagdaan Ng panahon..