24/06/2026
REMULLA: ‘BULLYING GONE WRONG’ ANG LUMALABAS SA INITIAL FEEDBACK SA TACLOBAN SHOOTING
Ibinunyag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na lumalabas sa paunang impormasyon ng mga awtoridad na matagal umanong nakararanas ng pambu-bully ang dalawang estudyanteng sangkot sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Sa isang panayam nitong Miyerkules, sinabi ni Remulla na tila matagal nang pinagtitripan at binu-bully ang dalawang menor de edad ng ilang kaklase.
“Ang paliwanag eh 'yung mga batang iyon ay binu-bully na dati pa at parang nasobrahan na sila sa pambu-bully ng mga siga sa classroom.”
Ayon pa sa kalihim, isa sa mga anggulong tinitingnan ng mga imbestigador ay kung paano nakaimpluwensya ang matagal na pambu-bully at exposure sa video games sa naging aksyon ng mga suspek.
“Ang lumalabas sa initial feedback ay bullying gone wrong. Binu-bully raw 'yung dalawang estudyanteng iyon at dahil doon ay na-influence sila sa video games.”
Kasabay nito, sinisiyasat din ng mga awtoridad ang posibleng pananagutan ng mga magulang at ng tiyahin ng isa sa mga suspek kaugnay ng pagkuha at pagkakaroon ng access ng mga menor de edad sa mga baril na ginamit sa insidente.