
30/06/2025
LCT San Juan Bautista, lumubog sa Sibuyan Island, Romblon; 6 na tripulante, nailigtas!
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard Southern Tagalog District na isang landing craft transport na barko na may pangalan na San Juan Bautista ang lumubog sa pagitan ng isla ng Romblon at Sibuyan Island sa lalawigan ng Romblon.
Ayon kay PCG Southern Tagalog District Commodore Geronimo Tuvilla, ligtas ang lahat ng crew ng LCT San Juan Bautista matapos masagip ng napadaang fishing vessel na patungong Negros Occidental.
Dinala ng fishing vessel ang mga nailigtas na crew sa Cadiz City, Negros Occidental.
Ayon umano sa vessels master ng LCT San Juan Bautista galing sila sa Guihulngan Port sa Negros Oriental at patungo sana sa Navotas City para magdry dock.
Ayon kay Tuvilla nasa 2,500 liters lamang ang krudo ng lumubog na barko na pangkonsumo lamang at wala rin itong lulan na anumang kargamento.
Inaalam pa ng PCG kung ano ang dahilan ng paglubog ng barko.
Patuloy pa rin na inaalam ng PCG ang eksaktong pinaglubugan ng barko na malapit umano sa tourist spot na Cresta De Gallo.
š·: PCG Southern Tagalog