18/01/2024
10 EFFECTIVE IPON TIPS PARA SA MGA GUSTONG MAG-IPON NGAYONG 2024
by: Chinkee Tan
====================
Ikaw ba yung klase ng tao na gustong-gusto mong mag-ipon pero hindi mo magawa dahil marami kang pinagkakagastusan? O baka naman hindi ka nakakaipon kasi marupok ka at lagi kang nag-aadd to cart kahit hindi mo naman kailangan.
Kung desidido ka talagang mag-ipon, dapat ay una mong itama ang iyong mindset. Isipin mo sa sarili mo na "Kaya kong Makaipon!" Kapag naitama mo na ang mindset mo, unti-unti mong alisin ang mga maling nakasanayan mo! Kaya mo yan! It's a matter of discipline and dedication.
Sabi nga nila KAPAG GUSTO AY MARAMING PARAAN, PERO KAPAG AYAW AY MARAMING DAHILAN. Alin ka dito sa dalawa? Yung gumagawa ng paraan o yung palagi na lang may maling dahilan.
Kaya naman kung gusto mong mag-ipon, narito ang 10 Effective Ipon Tips na pwede mong gawin:
1. MAGKAROON KA NG TARGET SAVINGS
Hindi pwedeng nag-iipon ka ng bara-bara. Hindi pwedeng nag-iipon ka lang kung kailan mo feel. Ang pinakaunang gawin mo ay gumawa ng plano at mag-target kung magkano ba ang gusto mong ipunin. 5k, 10k, 20k ba o 100k? Gaano mo katagal gustong ipunin ito? Sa loob ba ng 1 buwan, 6 na buwan, o isang taon? Sa ganitong paraan, may direksyon ang iyong gagawin na pag-iipon.
2. UNAHIN ANG SAVINGS PAGKATANGGAP NG SAHOD/ALLOWANCE
Palagi kong sinasabi na ang tamang formula ng pag-iipon ay INCOME - SAVINGS = EXPENSE. Hindi pwedeng uunahin mong gastusin ang sahod mo sa pagbayad ng mga expenses mo dahil tiyak na walang matitira dito. Unahin mo munang magtabi para sa ipon at ang matitira ay ang iyong pagkasyahin sa iyong mga expenses. Sa ganitong paraan, nauna mo nang i-secure and savings mo bago pa maubos ang pera mo.
3. HUWAG NA HUWAG MANGUNGUTANG
Kundi naman talaga emergency, iwasan mo ang mangutang. Dahil hindi ito healthy sa iyong finances. Huwag kang mangungutang kung gagamitin mo lang sa travel, luho, mga bisyo at iba pa. Ang utang ay may tinatawag na interes at ang dagdag na amount na ito ay pwede mo nang ipunin at itabi sa savings mo. Mahirap din ang pagkakaroon ng utang kasi parang ginastos mo na ang pera na hindi mo pa nakukuha. Pay in cash lagi hanggat maaari upang hindi ka magkaproblema
4. MAG-OPEN KA NG BANK ACCOUNT O ALKANSYA
Natural kapag nag-ipon ka, dapat ay may paglalagyan ka. Hindi pwedeng sa wallet mo lang ilagay ang ipon mo dahil sigurado ako na magagastos mo ito. Huwag din sa cabinet o ilalaim ng unan dahil hindi ito secured at maaaring mawala. Kaya kung desidido ka talagang mag-ipon, dapat ay mag-open ka ng savings account o di kaya ay gumawa ka ng sariling alkansya. Dito mo ihuhulog ang ipon mo. Masarap sa pakiramdam yung unti-unti mong nakikita yung pinag-iipunan mo na unti-unting nabubuo
5. LABANAN ANG MGA TUKSO SA PALIGID
Bukod sa mga tukso ng pag-ibig, dapat ay labanan mo rin ang mga nagkalat na tukso na uubos ng pera mo. Ang ilan sa mga tuksong ito ay Online Shopping, pagkain sa mga restaurant, pagta-travel ng hindi planado, at iba pang tulad nito. Isa lang naman ang rule ko pagdating sa paggastos. I always ask myself na "Mabubuhay ba ako kung hindi ko pagkakagastusan ito?" Kapag ang sagot ko ay "oo", iipunin ko na lang ang pera ko dahil ibig sabihin ay wants ko lang yun at hindi needs. Tandaan ang rule na NEEDS over WANTS!
6. TURUAN ANG MGA MAHAL SA BUHAY NA MAG-IPON DIN
Hindi puwede na tayo lang sa sarili natin ang mag-iipon. Dapat pati ang mga taong nakapaligid sa atin ay nag-iipon din. Halimbawa gusto nating mag-ipon pero yung partner natin ay gusto na laging nasa mall at gusto na minu-minutong kumakain sa labas. Eh di balewala din yung pag-iipon natin. Dapat ay tulungan tayo ng mga nakapaligid sa atin na mag-ipon. It takes two to tango di ba? Gagawin mo ang part mo at gagawin din nila ang part nila para pareho kayong magtagumpay sa pag-iipon.
7. MAGHANAP NG EXTRA INCOME PARA MAKAIPON
Kung sa sahod lang natin tayo aasa para makaipon, siguradong mahihirapan tayo. Lalo na kung hindi naman tayo ang tagapagmana ng kumpanya. Kung maliit ang ating income, ang kailangan natin ay sideline. Napakaraming oportunidad sa panahon ngayon para magkaroon ng extra income. Kailangan mo lang na maging maabilidad at alamin ang iyong talent para pwede mo itong pagkakitaan. Tandaan na the more income streams you have, the more chances na makakaipon ka at magtatagumpay ka sa target saving mo!
8. BAWASAN ANG MGA PINAGKAKAGASTUSAN NA HINDI NAMAN KAILANGAN
Baka mayroon kang mga expenses na di mo naman pala kailangan. Halimbawa ay mga cable subscriptions ka na di naman nagagamit. O kaya ay mga cellphone subscription na di mo naman nama-maximize dahil may free wifi naman kayo sa office. Baka araw-araw kang kumakain sa fastfood na pwede ka naman palang magbaon sa opisina. Tipid na alam mong healthy pa. Tumingin ka sa paligid mo, tiyak na marami kang makikitang unnecessary expenses. At panahon na para tanggalin mo ang mga ito para makaipon ka!
9. MAG-FOCUS SA SARILING BUHAY AT HUWAG SA BUHAY NG IBA
Minsan kaya tayo hindi nakakaipon kasi nakikipagkumpitensya tayo sa ibang tao. Gusto natin lagi na angat tayo sa iba at hindi tayo magpapahuli. Yung tipong we try to please other people kaya ang ending gusto nating bumili ng bagay para lamang mapuri at ma-please ng ibang tao. Tandaan sana natin na ang pag-iipon ay isang commitment. Hindi ito paligsahan o paramihan ng naipon. Imbis na mainggit tayo sa ating kapwa, mag-focus tayo sa ating sarili. Kapag nagawa natin ang ganitong mindset, sigurado ako na magiging masinop tayo at makakaipon din kalaunan.
10. MAG-ARAL AT PAUNLARIN ANG FINANCIAL KNOWLEDGE
Ang isa sa dahilan kung bakit hindi nagtatagumpay ang isang tao sa pag-iipon ay dahil hindi pa siya financially knowledgeable. Kapag may gusto tayong skills di ba ay pinag-aaralan natin ito. Ganun din sa pag-iipon. Hindi yung gumising lang tayo isang umaga at gusto na nating mag-ipon, tapos ay magtatagumpay agad tayo. Walang ganun friend. Kailangan ay tama ang iyong kaalaman. Maraming paraan para maging financially knowledgeable. Maraming mga books ang magtuturo sayo kung paano mag-ipon.
CONCLUSION:
Huwag na huwag kang manghihinayang na mag-invest sa mga LIBRO na tutulong sa'yo para makaipon. Para lang yan mga libro nung tayo ay nag-aaral pa. Di ba ang mga libro na ito ang nagturo sa atin at humasa ng kaalaman natin. Baka sa mga libro na ito pala nakasalalay ang tagumpay mo sa pag-iipon. Marami ng mga success stories tungkol sa pag-iipon ang nai-share dito sa CHINKEE TAN FB PAGE. Kasama na yung PICTURE na nasa article na ito. Halos lahat sila ay nagsimula rin sa pag-aaral. Lahat sila ay natuto lang din sa pagbabasa. Kaya huwag kang mawalan ng pag-asa.