
12/07/2025
Suliranin sa basura, parking, kabilang sa mga unang tinutukan ni Calatagan Mayor Puno
Calatagan, Batangas— Sa unang flag raising ceremony ng kanyang panunungkulan noong Lunes, Hulyo 7, buong tapang na inilatag ni Mayor Rico B. Puno ang mga unang reporma sa pamahalaang bayan ng Calatagan.
Bitbit niya ang mensaheng tumatagos sa puso ng bawat kawani at mamamayan: isang pamahalaang may malasakit, may puso, at may saysay.
Sa kanyang talumpati, agad na binigyang-pansin ng alkalde ang ilang pangunahing isyung matagal nang kinakaharap ng bayan:
●
Problema sa Basura – Isa sa mga unang hakbang ng kanyang administrasyon ay ang paglilinis sa mga tambak na basura at pampublikong lugar.
Ayon kay Mayor Puno, hindi dapat ipagwalang-bahala ang kalinisan ng komunidad sapagkat ito ay salamin ng isang maayos na pamahalaan.
●
Suliranin sa Parking – Matagal nang inirereklamo ng mga empleyado at panauhin ang kakulangan sa maayos na paradahan sa paligid ng munisipyo.
Bilang solusyon, nagtatalaga na ng libreng parking area si Mayor Puno para sa mga kawani at bisita. Simula ngayon, ipinagbabawal na ang pagparada sa paligid ng munisipyo.
Bilang pansamantalang hakbang, ipagagamit niya ang sarili niyang lupa malapit sa Medicare habang naghahanap ng alternatibong solusyon.
Binigyang-diin ng alkalde ang pangangailangang paigtingin ang kalidad ng serbisyo sa pamahalaan.
Aniya,panahon na upang wakasan ang kaisipang “pwede na” at palitan ito ng serbisyo na tunay na may malasakit at dangal. "Hindi sapat ang ‘pwede na.
’ Hindi sapat ang ‘ganyan na kasi dati.
’ Ang kailangan natin ngayon ay serbisyong
may malasakit, may puso, at may saysay,
” wika ni Mayor Puno.
Hinimok din niya ang bawat kawani na muling balikan ang layunin ng pagiging lingkod-bayan - ang paglingkuran ang taumbayan nang may katapatan, kahusayan, at buong-pusong dedikasyon.
Mariin ding binigyang-diin ni Mayor Puno ang pananagutan ng bawat opisyal at kawani. Ayon sa kanya, hindi siya magdadalawang-isip na panagutin ang sinumang lalabag sa batas o tututol sa mga reporma ng kanyang administrasyon.
"Ako po ay naririto hindi para sa inyo kundi para sa ating mga kababayan, ” aniya.
“The public office is a public trust and must be accountable to the people at all times.”
Binigyang-diin niyang ang sinumang mapatutunayang lumabag sa itinakdang alituntunin ay haharap sa kaukulang aksyon legal man o administratibo.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati,nanawagan si Mayor Puno sa lahat ng kawani at opisyal na
magsama-sama para sa tunay na pagbabago. Hinimok niyang yakapin ang sakripisyo at gawing pangunahing layunin ang kapakanan ng mamamayan.
"Huwag sana tayo mismo ang maging pabigat sa ating mga kababayan. Magsakripisyo tayo kahit kaunti alang-alang sa kanilang kapakanan.”
Ang kanyang mensahe ay nagsilbing hudyat ng isang panibagong yugto sa kasaysayan ng Calatagan.
Sa pamumuno ni Mayor Rico B. Puno, muling pinapaalalahanan ang bawat isa na ang tunay na layunin ng pamahalaan ay ang maglingkod, hindi maghari; magtaguyod, hindi magpabaya.
Sa kanyang pangunguna, umaasa ang mga Calatagueño na hahantong sa isang mas maayos, disiplinado, at makataong pamamahala ang kanilang bayan. Isang Calatagang pinangangalagaan at pinaglilingkuran ng
buong puso.
Pinangunahan ni Mayor Puno ang pagtitipon sa harap ng mga opisyal ng Sangguniang Bayan, mga kawani ng munisipyo, kapulisan, Bureau of Fire Protection (BFP), mga barangay opisyal, at mga kinatawan ng pananampalataya kabilang ang grupong Christ Ambassador na pinamumunuan ni Pastor Jigs Bartolome. (Rosie Leona)