03/11/2025
Happy 8th Birthday sa’yo, ang aking firstborn na prinsesa ng buhay ko. Parang kailan lang noong unang araw na dumating ka sa buhay namin. maliit ka pa noon, pero dala mo na agad ang saya, lakas, at dahilan kung bakit nagsimula akong mangarap nang mas mataas para sa pamilya natin. Noong una kitang yakapin, alam kong magbabago na ang lahat.
Anak, bawat araw na lumilipas habang malayo ako sa inyo, kayo ang lagi laman ng isip ko. Hindi madali para kay Daddy na mawalay sa inyo, pero ginagawa ko ito para maibigay ko ang lahat ng pangangailangan nninyo para may maayos kayong kinabukasan, at para matupad natin ang mga pangarap na sabay nating binubuo. Alam ko, sa tuwing nagvi-video call tayo, madalas mong sabihin, “Daddy, umuwi ka na… miss na namin ikaw.” At lagi kong sagot, “Kapag magaling ka sa school, kapag tuloy-tuloy kang nag-aaral at nagiging mabuting ate, makakauwi na si Daddy.” At anak, lagi mo iyong tinutupad. Nakikita ko kung gaano ka kasipag mag aral at sa mga school activit at kung paano mo ginagampanan ang pagiging mabuting anak at ate sa kapatid mo. Sobra akong proud sa’yo, anak.
Maraming salamat sa inspirasyon na binibigay mo kay Daddy. Kapag napapagod ako dito sa trabaho, iniisip ko lang ang ngiti nyo at tawa nyo. bigla akong nagkakaroon ng lakas ulit. Miss na miss ko na ang mga yakap nyo, ang mga kwento nyo tungkol sa school, at ang tawag nyong “Daddy” na puno ng lambing, mga long rides at adventure natin apat. Huwag mong kalilimutan, anak, kahit gaano man ako kalayo, kasama nyo pa rin ako sa bawat tagumpay nyo. Lagi kong binabantayan ang mga hakbang nyo, kahit mula sa malayo. Maging mabuting ate ka palagi sa kapatid mo, mag-aral kang mabuti, at huwag mong kalilimutan kung gaano kita kamahal. Ang araw na muli tayong magkakasama iyon ang araw na pinakahihintay ni Daddy.
Maligayang kaarawan anak. Mahal na mahal ka ni Daddy higit pa sa kaya kong ipaliwanag sa salita.