20/09/2025                                                                            
                                    
                                                                            
                                              | Opisyal na pahayag mula sa Punong Patnugot ng The Ruralite, Elisa Marie Lareza, sa ginanap na UP Day of Remembrance sa Mataas na Paaralan ng UP kahapon, Setyembre 19, 2025. 
Ang UP Day of Remembrance ay isang paalala sa mga pangyayari noong Batas Militar at pagpapatibay ng panawagan manindigan laban sa katiwalian gamit ang boses ng bayan—lalo na sa mga naglilitawang isyu ng maling paggamit sa pondo ng mga proyektong pang-flood control.
Narito ang buong transcript ng kaniyang talumpati:
“ “The line of fire is always a place of honor”
Sa aking apat na taon bilang campus-journalist dito sa Rural, ilang beses ko nang napagtanto ang tunay na kahulugan ng kasabihang ito. Ang bawat cover story at editorial, online caption at live coverage, ang mismong pangangasiwa ng isang student publication sa UP system, ay pagsabak sa linya ng apoy. Masalimuot ang paghanap ng angkop na news angle, pag-cut ng article word length, pag-layout ng sangkatutak ng picture, miski pag-post sa Facebook, matrabaho na gawa ng mahinang WiFi. Pero gaya nga ng sabi ni Lean Alejandro, it is always a place of honor. 
Hindi nagtatapos ang papel ng isang Ruralite journalist sa event documentation o sa pag-publish ng dyaryo. Ang pagiging Ruralite journalist ay isang ganap na responsibilidad, hindi lang sa responsable at mapagpalayang pamamahayag, kundi sa aming likas na tungkulin na makielam at makibaka.
At noong 2022, nakibaka ang The Ruralite, nang mahalal ang tambalang Marcos-Duterte sa eleksyon. Tandang tanda ko pa ang gabing iyon, 1 AM nang nakatanggap kami ng mensahe mula sa aming EIC. Sig**o mga ilang araw din kami nagkulong sa kwarto, nagwala, nagpuyat, umiyak at nawalan ng pag-asa. Pero sa kabila ng aming pagluluksa, pinili pa rin naming magsulat.
Nagsulat at nakibaka ang TR laban sa katiwaliang itinataguyod ng mga pasista’t imperyalistang naghaharing uri. Nakibaka ang TR laban sa sisteming pilit na ginigiit ang kultura ng mga korap at trapo. Nakibaka ang TR para sa mga Ruralites, at para sa Mutyang inaasam nating lahat. Ngunit sa gitna ng aming pakikibaka, kami ay pinatahimik. Limang buwang ipinahinto ang aming operations. Tila nawala ang ingay at sigla ng dating maingay na newsroom, at sa halip na halalhak ng matagumpay na coverage team ang aming naririnig, isang espasyong walang laman at nawalan ng buhay ang aming nasulyapan.
Ano na ngayon ang trabaho ng isang student publication na tinanggalan ng karapatan bumoses ng saloobin?  Ano nga ba talaga ang mga dapat gampanan ng isang high school campus journalist? At kung ang pagiging Ruralite ay isang pagsabak sa linya ng apoy, saan na ngayon aalab ang apoy?
Malipas ang tatlong taon, sa kabila ng mga pagtatangkang patayin ito, umaalab pa rin ang apoy. Lumalakas ito, hindi lang sa TR, kundi sa bawat sulok ng klasrum dito sa Rural, sa kalsada, sa mga kakampi nating g**o para sa bayan, sa mga kapwa kong lider-estudyanteng pinipili pa ring kumayod, sa kabila ng pagmamaltrato sa kanila ng sistema.
Ramdam ko rin ang pag-alab ng apoy kay Chad Booc at ang New Bataan 5,  na pinatahimik at pinatay ng estado at militar, kay Frenchie Mae Cumpio, isang community journalist, na walang-bisang nakakulong ngayon, kay  Dexter Capuyan at kay Bazoo de Jesus, at sa lahat ng mga desaparecidong hanggang ngayon, di pa rin nabibigyan ng hustisya. Sa mga biktima at aktibista noong panahon ng Martial Law, kay Lino Brocka, kay Lean Alejandro, lalong lalo na kay Rizalina Ilagan, isang Ruralite na piniling lumaban at makiisa sa hamon ng kilusan—sila ang mga nagsisilbing gabay at inspirasyon sa ating patuloy na pakikibaka. 
Sa mga hindi nagsasalita, sa mga pinipiling tumahimik lamang at di makialam, alam kong hindi madali ang paglabas ng saloobin ngayon. We live in a political environment where telling the truth is a death sentence. But it is also the very act of collectively speaking these truths into power where we are granted the right to live and thrive.
So, let’s turn our grief into revolutionary courage. Darkness can win, but only for a time. It is only through activism and militancy that we can truly free ourselves of the systemic shackle put upon us by our oppressors. Tandaan ninyo na ang mukha ng tunay  na terorista ay hindi mukha ng aktibista, o mukha ng manggagawa, o estudyante. Ang tunay na terorista ay ang kapulisan, ang militar, at ang mga tao sa Malacañang  na nanguguna sa pag-iral ng kultura ng madugong pagpatay. Sila ang kalaban, sila ang dapat managot—hindi ang taumbayan. 
Kaya nagsasalita ako ngayon sa harapan ninyong lahat, hindi bilang Editor-in-Chief lamang, kundi bilang isang babae, bilang isang miyembro ng sangkabaklaan, bilang isang ate, kaibigan, anak, bilang isang Ruralite. At bilang mga Ruralite, hinihikayat ko kayong lahat na magsilbing panday ng pagbabago. Sa narating na mga araw, linggo, buwan, at taon, hanggang sa makamit natin ang tunay na tagumpay, huwag sana natin talikuran ang sigaw ng bayan. Panahon nang wakasan natin ang isang paralisadong sistemang binuo para sa pansariling interes ng mga sinungaling at magnanakaw. Sama-sama tayo lumabaw  at mag-mobilisa. Sama-sama nating harapin ang linya ng apoy. ”
 
 
 
Kuha mula kay Meir Bejona