07/09/2026
𝗕𝗔𝗟𝗜𝗧𝗔 | Bakbakan sa korte, lalong nag-alab; lakas at diskarte, naghari sa palaruan
Nagsimulang umalingawngaw ang sigaw at palakpakan sa Amazing Grace Gymnasium ng Muir Woods Academy, Inc. (MWAI) ngayong Setyembre 4 nang magdaos ng ikalawang araw ng HABI 2026, kung saan ipinamalas ng mga mag-aaral ang husay at diskarte sa iba't ibang palakasan.
Sa kategoryang Badminton A Singles, nagpakitang‑gilas ang bawat bahay. Sa boys division, tinalo ng Jaguar ang Sapphire, samantalang nagwagi ang Verdant laban sa Crimson. Sa girls division, umangat ang Sapphire kontra Jaguar, habang nakamit ng Crimson ang panalo laban sa Verdant.
Hindi rin nagpahuli ang mga chess players ng MWAI sa pagpapakita ng talino at tiyaga. Sa boys chess, umuwi sa unang puwesto ang Crimson, sinundan ng Green sa ikalawa, Sapphire sa ikatlo, at Golden Jaguars sa ikaapat. Sa girls chess, namayani ang Golden Jaguars bilang kampeon; pumuwesto naman ang Verdant sa ikalawa, Sapphire sa ikatlo, at Crimson sa ikaapat.
“Sportsmanship kasi parang humble ka rin; iniisip ko na mababa ako kaysa sa kanila, hindi overconfidence,” ani Almonte ng Golden Jaguars, nang tanungin tungkol sa kanyang pananaw sa paligsahan.
Mainit din ang bakbakan sa basketball courts. Nagtagisan ng puntos ang Sapphire at Golden Jaguars kung saan nagtapos ang laro sa iskor na 93–86 pabor sa Sapphire. Sa isa pang panalo, tinalo ng Crimson ang Verdant sa 65–58.
Ayon sa mga nanood at naglaro, nagpakita ang mga koponan ng tamang timpla ng lakas at diskarte—mga sangkap na naging susi sa kanilang tagumpay. Pinuri din ng mga g**o ang ipinakitang sportsmanship at pagkakaisa ng mga mag-aaral sa buong araw ng paligsahan.
Samantala, binigyan ng oras ang ibang mag-aaral upang makapaghanda sa kanilang itatanghal sa susunod na linggo.
Inaabangan ng MWAI ang nalalabing araw ng HABI 2026 na magbibigay pa ng pagkakataon sa mga estudyante na ipakita ang kanilang talento at pagmamahal sa paaralan.
--------------------
Balita ni Zcha Zhequinah Myrr Ang
Larawan nina Javiere Cian Buen at Francheska Okamoto