24/07/2026
Hindi ko talaga kinaya nung nabasa ko ang message ni Mama. Habang ako, iniisip kong okay lang siya, hindi ko alam na pakiramdam niya pala, siya lang ang laging naiiwan. Ang pinakamasakit, hindi siya nagalit, hindi siya nanumbat, humingi pa siya ng tawad sa akin. Ma... bakit ikaw pa ang nagsosorry? Ikaw na nga ang buong buhay na nagsakripisyo para sa akin. Ikaw na nga ang halos walang itira sa sarili mo para lang may makain at may maipaaral sa akin. Tapos ngayon, ikaw pa ang nakakaramdam na parang hindi ka mahalaga.
Sobrang sakit bilang anak. Pakiramdam ko, wala pa akong nagagawa para masuklian lahat ng paghihirap mo. Pero pangako, Ma, hindi habang buhay ganito ang buhay natin. Gagawin ko ang lahat. Magtatrabaho ako nang mas mabuti. Magsisikap ako kahit gaano kahirap. Kahit mapagod ako, kahit ilang beses akong madapa, hindi ako susuko hangga't hindi kita naiaahon sa hirap.
Ayokong dumating ulit ang araw na iiyak ka dahil pakiramdam mo naiwan ka o wala kang halaga. Ayokong maramdaman mo ulit na ikaw ang nakakalimutan. Gusto kong dumating ang panahon na hindi mo na kailangang maghintay ng tulong o umasa sa iba. Gusto kong maranasan mong ikaw naman ang inuuna, ikaw naman ang inaalagaan, at ikaw naman ang pinapasaya.
Konting tiis na lang, Ma. Balang araw, tayo naman ang aangat. Ipapakita ko sa'yo na lahat ng sakripisyo mo ay hindi nasayang. Sisiguraduhin kong darating ang araw na ipagmamalaki mo ang buhay na meron tayo, at hindi mo na mararanasan ulit ang sakit na naramdaman mo ngayon. Mahal na mahal kita, Ma. ❤️