26/09/2025
ESCUDERO, REVILLA, BINAY, CO AT DEPED USEC OLAIVAR, NADAWIT SA FLOOD CONTROL ANOMALYA
Umalon ang pangalan ng ilang mambabatas at opisyal matapos isiwalat ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes ang umano’y pagkakasangkot nina Senator Francis “Chiz” Escudero, dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Senator Nancy Binay, Ako Bicol Rep. Zaldy Co, at DepEd Undersecretary Trygve Olaivar sa mga kuwestiyonableng flood control projects.
MGA PARATANG KAY ESCUDERO
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Bernardo na humiling umano si Maynard Ngu, malapit na kaibigan at campaign contributor ni Escudero, na magsumite siya ng listahan ng proyekto para maisama sa General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay Bernardo, matapos maipasok ang mga proyekto, personal umano niyang iniabot kay Ngu ang 20% ng kabuuang halagang ₱800 milyon, o katumbas ng ₱160 milyon, na sinasabing para kay Escudero.
NANCY BINAY
Ibinunyag din ni Bernardo na nakatanggap siya ng tawag mula sa isang staff ni Binay na humingi ng 15% na “commitment fee” para sa mga proyekto. Ang halagang ito, tinatayang ₱37 milyon, ay nakolekta umano ni Engineer Henry Alcantara at dinala kay Bernardo, na siya namang naghatid sa bahay ng senador sa Quezon City.
ZALDY CO
Ayon kay Bernardo, tinanong siya ni Co hinggil sa pagiging “madaling kausap” ni Alcantara. Sinabi umano ni Alcantara na humihingi si Co ng 25% komisyon, kung saan 2% ay paghahatian nilang dalawa. Giit pa ni Bernardo, may mga pagkakataong personal na nakatanggap ng pera si Co mula sa kanila.
B**G REVILLA
Noong 2024, isinalaysay ni Bernardo na nagbigay siya ng listahan ng mga proyekto kay Revilla. Humingi umano ang senador ng 25% bahagi, na umabot sa halos ₱125 milyon. Ang pera ay nakolekta ni Alcantara at kalaunan ay naihatid sa bahay ni Revilla sa Cavite.
DEPED USEC TRYVE OLAIVAR
Pinangalanan din ni Bernardo si DepEd Undersecretary Trygve Olaivar, na umano’y tumawag sa kanya noong 2024 upang pag-usapan ang mga “unprogrammed appropriations” para sa Office of the Executive Secretary. Nagsumite si Alcantara ng listahan ng mga proyektong nagkakahalaga ng ₱2.85 bilyon, kung saan may kasamang 15% na commitment. Ang mga halagang nakolekta, ayon kay Bernardo, ay kanya umanong inihatid kay Olaivar sa Magallanes, Makati, at iba pang lugar.
IBA PANG PANGALAN
Binanggit din ni Bernardo si Commission on Audit Commissioner Mario Lipana, dahil umano sa pagkakasangkot ng asawa nito bilang contractor sa flood control projects, bagama’t nilinaw niyang wala siyang personal na kaalaman kung nakakuha nga ito ng proyekto.
MGA PAGTANGGI
Mariing itinanggi nina Escudero, Binay, Revilla at Olaivar ang mga paratang laban sa kanila.
Escudero: Tinawag na “malicious” at “orchestrated attack” ang mga alegasyon, at tiniyak na magsasampa siya ng kaso laban kay Bernardo.
Binay: Sinabing “walang katotohanan” ang mga bintang at iginiit na malinis ang kanyang track record sa serbisyo publiko.
Revilla: Tinawag na kasinungalingan ang pagkakadawit at tiniyak na haharapin niya ang anumang imbestigasyon.
Olaivar: Nagpahayag ng boluntaryong leave of absence upang bigyang-daan ang patas na imbestigasyon at tiniyak na makikipagtulungan siya sa lahat ng proseso.
Samantala, iginiit ni Executive Secretary Lucas Bersamin na wala umanong kaugnayan ang kanyang opisina sa alokasyon ng budget para sa DPWH at pinabulaanan ang anumang ugnayan kay Bernardo o Olaivar.
Si Bernardo ay nag-apply na para sa Witness Protection Program (WPP), alinsunod sa rekomendasyon ni DOJ Secretary Boying Remulla, upang masuri ang kanyang testimonya.