12/11/2025
Kahandaan Bilang Depensa sa Panahon ng Unos
Tuwing panahon ng unos, tila bahagi na ng ating pagkakakilanlan bilang Pilipino ang pagtiis sa baha, paglikas, at pagkasira ng mga kabuhayan dulot ng kalamidad. Ngayong buwan ng Nobyembre, sunod-sunod na sinalanta ng bagyo ang maraming bahagi ng bansa. Unang dumaan si Bagyong Tino at sinundan ito ni Bagyong Uwan na nagdulot ng malubhang pagbaha sa ilang mga lalawigan na nagresulta ng malawakang pinsala, kabilang na dito and pagkawasak ng mga tahanan, at mas malala pa, ang pagkawala ng buhay ng mga mamamayan. Tunay na nakababahala ang mga pangyayaring ito sapagkat dito ipinapakita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng disaster preparedness sa bansa.
Sa isang bansang tila walang pahinga sa mga kalamidad, ang pagkakaroon ng disaster preparedness ay ang pinakamatibay na sandata upang maiwasan ang mga peligro ng bawat sakuna, kung kaya't, dapat maging bahagi na ng ating kultura ang paghahanda.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nitong Nobyembre 3 hanggang Nobyembre 6, 2025, sinalanta ng bagyong Tino ang ibang mga lalawigan sa bansa, at dito napatunayan ang kahalagahan ng wasto at epektibong paghahanda. Ayon sa NDRRMC, umabot sa 224 ang dami ng namatay, 135 mamamayan pa rin ang nawawala, at daang-daang mga ari-arian ang nasira. Ang datos na ito ay nagpapakita ng malubhang pinsala dulot ng bagyo at sumasalamin dito ang kawalan ng pagkakaroon ng disaster preparedness ng buong bansa na nagresulta sa labis na epekto sa kabuhayan, at mas masahol pa, maraming buhay ang nasawi.
Kaugnay nito, base sa ipinakitang datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pagkatapos manalasa ng bagyong Tino sa bansa, nagkaroon ulit ng pangalawang bagyo ngayong buwan ng Nobyembre at kinikilala ito bilang ika-21 na bagyo ngayong taon sa bansa, na tinaguriang bagyong Uwan na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) noong Nobyembre 7, 2025. Umabot sa 1085 na mga tahanan ang naapektuhan ng matinding pagbaha at dalawang mamamayan naman ang nasawi. Tunay na nakapanlulumo ang sitwasyong ito dahil habang ang lahat ay bumabangon pa rin sa iniwang pinsala ng bagyong Tino, naapektuhan ulit ang mga mamamayan sa bagong bagyong dumating sa bansa. Ang mga ganitong pinsala ay dapat hindi na natin palampasin pa, lalo na kung tayo lang din naman ang naapektuhan.
Sa kabilang dako naman, base sa Asian Disaster Preparedness Center (ADPC), kulang pa rin ng 40% ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas ang mga evacuation plan at drills na dapat ay isinasagawa ng dalawang beses sa isang taon. Hindi na natin maitatanggi pa na malaki ang suliranin ng ating bansa sa usaping paghahanda dahil hindi pa rin sapat ang paghahanda sa antas ng mga paaralan.
Kung titingnan natin ang usaping ito sa mas malawak na perspektibo, nagpapakita na ang mga impormasyong nabanggit ay sumasalamin sa kakulangan ng pagkakaroon ng wastong kahandaan bago pa man dumating ang kalamidad, lalo na ang bagyo.
Kung ihahambing naman natin ang usaping ito sa ibang mga bansa tulad ng Japan sa usaping disaster preparedness, malaki ang agwat nito. Sa japan, ang paghahanda at kaalaman ay makikita na bahagi na ito sa kanilang kultura. Ang bawat tao ay alam ang tamang kilos sa mga sakuna partikular ang bagyo. Sa atin, masakit man isipin pero marami pa rin ang walang alam kung ano ang dapat gawin sa bawat sakunang dumarating kaya nagreresulta ito ng malubhang epekto sa bansa.
Dagdag rito, may mga nagsasabi pa ring kahit gaano pa kahanda ang isang lugar, hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng pinsala dahil natural na kalamidad ang bagyo, kaya laging may nasisira.
Gayunpaman, ang bawat unos na dumarating sa ating bansa ay katumbas ng maraming buhay ng bawat Pilipino. Ang pagkakaroon ng epektibong disaster preparedness sa pangunguna ng gobyerno, pagkaroon ng mga programa sa paghahanda, pagbigay ng sapat na pondo sa mga iba't ibang ahensya, at pagtulong sa mga nasasakupan, ang magsisilbing gabay at ilaw upang maiwasan ang mga posibleng maging epekto ng kalamidad. Mahalaga rin na turuan ang bawat pamilya ng tamang paghahanda tulad ng pagbuo ng evacuation plan. Dahil sa pamamagitan nito, maraming buhay ang magiging ligtas at maraming kabuhayan ang masasalba.
Tayong lahat ay may mahalagang papel dito. Panahon na para kumilos. Kaya, dapat ituring ng bawat mamamayan na ang kahandaan ay hindi responsibilidad ng iilan lamang, kundi tungkulin ng lahat. Sa pamamagitan ng wastong kahandaan at sapat na kaalaman partikular sa mga sakuna, unti-unti nating maiiwasan ang mga peligro nito.
Sapagkat sa huli, hindi natin kayang pigilan ang kalikasan. Ngunit sa pamamagitan ng epektibong disaster preparedness, kaya nating ihanda ang ating sarili, ating pamilya, at ang ating bayan. Dahil sabi pa nga ng iilan "lamang ang may alam". Ang tunay na lakas ng Pilipino ay hindi nasusukat sa kakayahang bumangon pagkatapos ng trahedya, kundi sa kahandaang humarap bago pa man ito dumating.
dibuho ni Michelyn Gordove