29/01/2026
𝗖𝗔𝗠𝗦𝗨𝗥 𝗡𝗘𝗪𝗦 𝗜 𝗝𝗮𝗻𝘂𝗮𝗿𝘆 𝟮𝟵, 𝟮𝟬𝟮𝟲 — Sa gitna ng mga diskusyon tungkol sa mga proyektong pang-imprastraktura sa Bicol, binuweltahan ni Governor Luis Raymund “LRay” Villafuerte ang mga aniya’y "nang-aangkin" ng kredito, habang binibigyang-diin na ang tunay na serbisyo ay nasusukat sa konkretong resulta at hindi sa pangalan.
Sa kanyang pahayag nitong Enero 27, 2026, ipinagmalaki ng gobernador ang tagumpay ng CamSur–Albay Diversion Road, isang 62-kilometrong proyekto na aniya ay bunga ng 21 taong paninindigan at hindi "biglaang plano" lamang.
𝗞𝗮𝘀𝗮𝘆𝘀𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗹𝗮𝗯𝗮𝗻 𝘀𝗮 '𝗜𝗻𝗴𝗮𝘆'
Ayon kay Villafuerte, ang nasabing kalsada ay conceptualized noong 2001 sa ilalim ng pamumuno ng kanyang ama, ang yumaong Governor Luis Villafuerte Sr., sa pamamagitan ng Provincial Board Resolutions Nos. 128-131. Nang maupo siya bilang gobernador noong 2004, ginawa itong flagship infrastructure project na inendorso sa Regional Development Council at sa Office of the President.
"Ang proyektong ito ay binuo mula sa wala—mula sa mga niyugan at farm lands. Hindi ito dating national road na pinalitan lang ng pangalan," giit ng gobernador.
𝗣𝗮𝘁𝗮𝗺𝗮 𝘀𝗮 𝗶𝗯𝗮𝗻𝗴 '𝗛𝗶𝗴𝗵𝘄𝗮𝘆𝘀'
Hindi naiwasang ikumpara ni Villafuerte ang kalidad at proseso ng kanilang diversion road sa ibang mga kilalang kalsada sa rehiyon. Tahasan niyang binanggit ang Andaya Highway (dating Quirino Highway) at Fuentebella Highway (Caramoan Peninsula Road) na aniya ay mga dati nang existing national roads na pinalitan lamang ang pangalan.
Binigyang-diin ng gobernador ang apat na bentahe ng CamSur–Albay Diversion Road:
1. Mas maayos na konstruksyon
2. Mas magandang riding quality
3. Mas matipid sa gastos ng gobyerno
4. Mas matibay sa pangmatagalan
"Bilyon-bilyong piso na ang nagastos sa rehabilitasyon ng mga dati nang kalsada kagaya ng Andaya at Fuentebella, samantalang ang bagong tayong diversion road ay nagawa sa mas episyenteng paraan," ani Villafuerte.
𝗦𝗲𝗿𝗯𝗶𝘀𝘆𝗼 𝗯𝗮𝗴𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗴𝗮𝗹𝗮𝗻
Sa kabila ng pagiging "utak" at "tulak" ng pamilya Villafuerte sa proyektong nag-uugnay sa San Fernando, Minalabac, Bula, Nabua, hanggang sa mga bayan ng Albay tulad ng Libon at Daraga, sinabi ng gobernador na hindi nila ito ipinangalan sa kanilang pamilya.
"Hindi namin pinangalanan sa aming pamilya ang kalsada... dahil mas mahalaga ang serbisyo kaysa sa pangalan," pahayag niya. "Hindi namin kailangang mang-angkin ng kredito. Sapat na ang dokumento, sapat na ang kalsada."
Nagbahagi rin ang gobernador ng isang video na nagpapakita ng kasalukuyang estado ng kalsada bilang patunay na ito ay "konkretong nagawa" at hindi lamang basta press release o digital render.
"Ang kasaysayan ay hindi binubura ng ingay—binabasa ito sa gawa," pagtatapos ng gobernador.
Photo: LrayVillafuerte FB