
20/09/2025
PAGLULUNSAD NG WHITE BEEP CARD PINANGUNAHAN NI BBM
AIRRA BORANTES I SEPTEMBER 20, 2025
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng white beep cards nitong Sabado, Setyembre 20, 2025 para sa mga estudyante, senior citizens, at persons with disability (PWD) na may automatic na 50% discount sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), maaaring makuha agad on-the-spot ang mga white beep cards sa lahat ng 51 istasyon ng tren. Mula sa dating pito hanggang sampung araw na processing, tatlo hanggang limang minuto na lang ang aabutin bago magamit ang card.
“Ang processing pinabilis. Ngayon 3 minutes na lang. After printing, magagamit na nila ’yan. Sabi ko sa mga estudyante, wala na kayong excuse na maging late,” ani Pangulong Marcos sa paglulunsad sa LRT-2 Legarda Station. Dagdag niya, layunin nitong mas mapadali at mapagaan ang biyahe ng mga priority passengers.
Kasabay nito ayon sa DOTr ang school caravans simula Oktubre at sabay nito pinag-aaralan din ang online application portal upang mas mapabilis ang pagkuha ng beep cards. Tiniyak ng ahensya na hindi madu-duplicate ang mga card dahil sa unified system ng tatlong linya ng tren.
Para naman ma-avail ang beep card, ipakita lamang ang student ID o enrollment certificate, senior citizen ID, o PWD ID, kasama ang one-time payment na P30 para sa card.
Ang on-the-spot printing ay bukas mula 10 a.m. hanggang 10 p.m. nitong Sabado.
Simula Setyembre 21, 5 a.m. hanggang 10 p.m. ang schedule tuwing Sabado at Linggo, habang 8 a.m. hanggang 5 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes.
I follow ang Tinig Media pages para Iwas sa fake news