20/11/2025
Cayetano: DMW kailangan ng ‘transformative budget’ na angkop sa ambag ng OFWs
Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules para sa isang ‘transformative’ o nakapagpapabagong budget para sa Department of Migrant Workers o DMW. Ayon sa senador, hindi tama na maliit ang pondo ng ahensya kumpara sa laki ng sakripisyo ng Overseas Filipino Workers (OFWs).
“OFWs give so much to the country. Bakit maliit ang budget ng DMW kumpara sa laki ng kontribusyon nila?” sabi ng senador sa Senate deliberation ng panukalang budget ng ahensya nitong November 19, 2025.
Bilang dating Secretary of Foreign Affairs at siyang nagtaguyod ng bersyon ng House of Representatives sa paglikha ng ahensya noong siya pa ang Speaker, sinabi ni Cayetano na dapat ipaliwanag ng gobyerno kung bakit ang ahensyang nagpoprotekta sa mga manggagawang nagdadala ng bilyong dolyar na remittance ay nakatatanggap lamang ng maliit na pondo kumpara sa ibang departamento.
“The key word there is focus. The reason we put the DMW, at least my personal reason, is iba y’ung nakatutok talaga [sa mga OFWs] and it’s just too big. Almost 10 percent ng ating GDP (Gross Domestic Product) ay galing sa OFWs,” wika niya.
Sinabi ni Cayetan na ang P11 bilyon na proposed allocation ng ahensya ay maliit kung ikukumpara sa P2 trilyon na remittance ng OFWs noong 2024.
“Noong naghihirap tayo, pera nila [ang] inaasahan natin. Hanggang ngayon, they still are a big part of our GDP. Tapos ‘pag ibabalik [ang pera] sa kanila, titipirin natin,” wika niya.
Hiningi rin ni Cayetano na mas maglaan ang ahensya ng pondo sa research at mga programa na makatutulong sa mga OFW na ma-upgrade ang kanilang skills at makakuha ng mas magagandang trabaho.
“Two sides kasi ‘yan. Finding new markets na apples-to-apples with present skill level ngayon. That’s one reason you’re focusing on new markets, but there’s a second part... paano talaga y’ung upskilling ng mga empleyado, nung labor,” paliwanag niya.
Bilang matagal na tagapagtanggol ng kapakanan ng mga Pilipino sa abroad, binigyang diin din niya na dapat nakabase sa solid data ang mga programa.
“If OFWs contribute that much to us I think in every aspect of their daily life, we should have a research about that, even the social cost,” sabi niya.
Pinaalala rin niya na kahit patuloy na lumalaki ang gawain ng DMW tulad ng pagbubukas ng bagong markets at pagtugon sa pang-araw-araw na isyu ng OFWs, maliit pa rin ang pondo nito kumpara sa mandato ng ahensya.
Binanggit niya ang kamakailang pag-alis ng bilyong pisong pondo mula sa DPWH na sana ay makakatulong sa OFWs.
“If there's somewhere good to put it, it's in the DMW. Pero hindi namin mailalagay unless mag-propose kayo [ng mga programa,]” pahayag niya sa ahensya.
Sinabi rin ni Cayetano na habang sinusuportahan niya ang budget ng DMW, dapat ipakita ng ahensya na direktang tumutugon ang kanilang mga programa sa pangangailangan ng OFWs.
“Ang labanan dito is how you can hit the nail on the head, y’ung mga programang kailangan talaga ng OFW,” sabi niya.
https://dyaryonggtagalog.wordpress.com/2025/11/20/cayetano-dmw-kailangan-ng-transformative-budget-na-angkop-sa-ambag-ng-ofws/
Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules para sa isang ‘transformative’ o nakapagpapabagong budget para sa Department of Migrant Workers o DMW. Ayon sa senador, hin…