16/07/2025
P74K HALAGA NG SHABU NASABAT; 6 SUSPEK NALAMBAT SA DRUG OPS NG BULACAN PNP
Camp General Alejo S Santos, Lungsod ng Malolos, Bulacan — Anim (6) na drug suspect ang naaresto at humigit-kumulang Php 74,528.00 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa magkakahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) noong Hulyo 14-15, 2025.
Ayon kay PLTCOL LUISA D CANDIDO, hepe ng Plaridel MPS, dalawang suspek na sina alyas “Noy,” 30-anyos, at “Ed,” 22-anyos, ang naaresto sa operasyon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Brgy. Banga 1st, Plaridel. Nasamsam sa kanila ang anim (6) na sachet ng hinihinalang shabu na may halagang Php 42,160.00 at buy-bust money.
Samantala, isang (1) suspek ang naaresto ng Balagtas MPS sa Brgy. Borol 2nd, sa operasyon na pinamunuan ni PMAJ MARK ANTHONY L SAN PEDRO, kung saan nakumpiska ang apat (4) na sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php 20,400.00.
Tatlo (3) pang suspek ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng San Ildefonso, Doña Remedios Trinidad, at Obando MPS, kung saan narekober ang anim (6) pang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng Php 11,968.00.
Ang mga naarestong suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang mga operasyong ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng Bulacan PNP kontra ilegal na droga sa direktiba ni PCOL ANGEL L GARCILLANO, Acting Provincial Director, sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN PONCE ROGELIO I PEÑONES JR., Regional Director ng PRO3.