18/08/2025
MAG-ASAWA, DEDBOL MATAPOS MASALPOK NG BUS ANG KANILANG CARINDERIA SA NUEVA ECIJA
TRAHEDYA ang sinapit ng isang mag-asawa matapos silang masawi nang salpukin ng isang provincial bus ang nakaparadang van at tumuloy sa pagbunggo sa kanilang carinderia sa Barangay Santo Rosario, Sta Rosa, Nueva Ecija noong August 14, ganap na alas 1:40 ng madaling araw.
Kinilala ng pulisya ng Nueva Ecija ang mga nasawi na sina Eduardo Yumol at Rochele Yumol, kapwa 56-anyos, at mga may-ari ng Lutong Bahay canteen na matatagpuan sa naturang barangay.
Batay sa imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng Solid North Bus na si Edgardo Caratiquit, 53-anyos, residente ng Barangay Sumacab Este, Cabanatuan City. Nag-overshoot umano ang bus habang binabaybay ang Santa Rosa-Tarlac Road sa Barangay Santo Rosario at bumangga sa isang nakaparadang van.
Hindi pa rito nagtapos ang insidente—tuloy-tuloy ang pag-andar ng bus hanggang sa tuluyang sumalpok ito sa canteen ng mag-asawang Yumol, kung saan natutulog ang mga biktima.
Agad silang isinugod sa Nueva Ecija Doctors Hospital, ngunit idineklara na silang dead on arrival. Kasalukuyan namang nasa malubhang kalagayan sa ospital ang driver ng bus, matapos magtamo ng matinding pinsala.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sta. Rosa PNP upang matukoy ang tunay na sanhi ng aksidente. Ayon kay PMAJ. Willard Dulnuan, hepe ng Sta. Rosa Police, inaalam pa kung mechanical failure, human error, o ibang dahilan ang naging sanhi ng trahedya.