10/10/2025
ANG PAGLILINGKOD SA DIYOS AY HINDI TUNGKOL SA PAGIGING SIKAT, KUNDI TUNGKOL SA PAGIGING TAPAT
"Ang tunay na paglilingkod sa Diyos ay hindi para sa kasikatan o papuri ng tao, kundi para sa katapatan sa Kanya."
BIBLE VERSE:
MATEO 6:1 – “Mag-ingat kayo na huwag gawin ang inyong mabubuting gawa sa harap ng mga tao upang kayo'y makita nila. Kung hindi, wala kayong gantimpala mula sa inyong Amang nasa langit.”
PAG-ISIPAN
1. Sa panahon ngayon, bakit maraming tao ang gustong mapansin o sumikat sa kanilang ginagawa?
2. May pagkakataon ba sa buhay mo na nakaramdam ka ng inggit sa iba na mas pinupuri o mas napapansin sa paglilingkod? Paano mo ito hinarap?
PALIWANAG:
Minsan, hindi natin namamalayan na gusto rin nating mapansin, purihin, o kilalanin ang ating ginagawa para sa Diyos. Hindi naman masama ang makatanggap ng appreciation, pero kapag ito na ang naging dahilan ng ating paglilingkod, nagiging mali ang ating puso.
Sa MATEO 6:1, ipinaalala ni Jesus na ang paglilingkod ay hindi dapat ipakita para lang mapansin ng tao, kundi dapat gawin ng may tamang puso. Ang gantimpala ng taong gumagawa ng mabuti para lang makita ng iba ay hanggang dito lang sa lupa. Pero ang paglilingkod na tapat at hindi naghahanap ng papuri ay may gantimpala mula sa Diyos.
COLOSAS 3:23-24 – "Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. Yamang alam ninyo na mula sa Panginoon ay tatanggap kayo ng gantimpala bilang mana. Sapagkat si Cristo ang Panginoon na inyong pinaglilingkuran."
Ibig sabihin, ang tunay na paglilingkod ay hindi nakadepende sa kung gaano tayo ka-popular, kundi sa kung gaano tayo katapat sa Diyos. Kahit walang nakakakita, alam ng Diyos ang ginagawa natin, at Siya ang magbibigay ng tunay na gantimpala.
1 CORINTO 15:58 – "Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo, huwag matitinag, maging masigasig kayo sa gawain ng Panginoon, yamang nalalaman ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa Panginoon."
Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi tungkol sa likes, views, o recognition, kundi sa pagiging tapat, mapagpakumbaba, at may pusong handang maglingkod kahit walang kapalit.
APLIKASYON:
1. I-CHECK ANG MOTIBO – Bakit mo ginagawa ang iyong paglilingkod? Para mapansin, o dahil mahal mo ang Diyos?
2. MAGPATULOY KAHIT WALANG NAKAKAKITA – Kahit walang pumapalakpak sa’yo, ipagpatuloy mo ang mabuting gawain, dahil ang Diyos mismo ang nakakakita at gagantimpala.
3. PALAKASIN ANG LOOB NG IBA – Huwag mainggit sa iba na mas napapansin, sa halip, i-encourage sila at patuloy na maglingkod nang may kababaang-loob.
4. HUWAG HANAPIN ANG PAPURI NG TAO – Maglingkod nang may kagalakan, hindi dahil sa papuri, kundi dahil ito ang tamang gawin para sa Diyos.
TANDAAN ANG MGA BAGAY NA ITO
"Hindi mahalaga kung gaano ka kasikat sa mata ng tao, ang mahalaga ay gaano ka katapat sa mata ng Diyos."
"Ang tunay na paglilingkod ay hindi sinusukat ng dami ng papuri, kundi ng katapatan ng puso."
"Maglingkod nang tapat, kahit walang nakakakita—ang Diyos ang tunay na nagbibigay ng gantimpala."
"Hindi mo kailangang maging sikat para magamit ng Diyos, kailangan mo lang maging tapat."
"Mas mabuting lingkod na tapat kaysa lingkod na kilala pero hindi totoo."
"Hindi natin kailangang ipagsigawan ang ating mabubuting gawa, dahil ang Diyos mismo ang nakakita sa ating ginagawa."
"Ang tunay na lingkod ng Diyos ay hindi naghahanap ng spotlight, kundi ng kalooban ng Diyos."
"Ang pinakamahalagang 'audience' sa paglilingkod mo ay hindi ang tao, kundi ang Diyos."
"Ang paglilingkod ay hindi tungkol sa pagiging bida, kundi sa pagpapakumbaba."
"Kapag para sa Diyos ang ginagawa mo, kahit walang pumalakpak, sapat na ang pagpalakpak ng langit."
PANALANGIN:
"Panginoon, salamat sa paalala na ang tunay na paglilingkod ay hindi tungkol sa kasikatan, kundi sa katapatan sa Iyo. Linisin Mo ang aming puso at alisin ang anumang maling motibo. Tulungan Mo kaming magpatuloy sa paglilingkod nang may kababaang-loob, hindi para sa papuri ng tao kundi para sa Iyong kaluwalhatian. Palakasin Mo ang aming loob upang maging tapat sa Iyo sa lahat ng aming ginagawa. Sa pangalan ni Jesus, Amen."