07/07/2025
LITERARI | Gitna pero hindi sentro
Isa akong tulay, sa gitna’y nakatindig,
Nag-uugnay sa magkabilang pampang na matatag.
Ako’y taga-pamagitan sa panganay na puno ng tungkulin,
At sa bunsong laging binibigyan ng pansin.
Binabaybay lang ngunit hindi hinihintuan,
Atensyon kasi’y nakatuon sa pupuntahan.
Gayunpaman, ako ang daan sa tahimik na landas,
Hindi man ako ang simula o wakas.
Sa bawat lakbayin ng pamilya’y nariyan,
Masasandalan at tahimik na nanunungkulan.
Ako’y nasa gitna, ‘di man laging pansinin,
Ngunit laging naroon, sa bawat hinanakit at damdamin.
Maihahalintulad mo ako sa pandikit,
Gumagabay at nagbubuklod ng mga lamat at punit.
Sa bawat away at tampo, ako ang nasa likod,
Nagdidikit ng pirasong muntik nang mawasak at madurog.
Minsan ako’y napapagod at nauubos,
Ngunit wala sa bokabularyo ko ang sumuko.
Tahimik na gumagabay at nagsisilbi,
Pandikit sa pamilyang walang kasing saya’t saksi.
Walang kasing saya ang maging panggitna.
🖋️Christian Vidad
🎨CJ Marcelo
💻John Michael Ramos and Ken Mark Torres