02/05/2025
Tipid Tips sa Groceries
* Gumawa ng listahan. Minsan kapag nasa grocery store na tayo, nakakalimutan natin ang mga dapat nating bilhin. Malamang, kung ano-ano na lang ang ating kinukuha.
* Magplano ng menu. Sa pagpaplano ng menu bago mamili sa supermarket, malalaman mo kung ano lang ang dapat mong bilhin dahil planado na kung ano ang lulutuin mo. Bukod sa mapapadali ka, makakaiwas ka pang bumili ng wala sa plano.
* Bumili nang maramihan. Ang pagbili nang maramihan ay isang magandang paraan din para makatipid. Aminin natin, mas mura talaga kapag bibilhin mo nang maramihan kaysa sa tingi. Mas matagal maubos, mas makakatipid ka kaysa sa bili nang bili.
* Kumain bago umalis. Mahal kumain sa labas, lalo na kapag gutom ka na. Malamang, magke-crave ka na lang kung ano ang makikita mo. Sa ganitong paraan, hindi ito tipid dahil wala sa listahan. Kaya mas mabuti talaga kapag busog ka para iwas gastos.
* Palaging magtabi ng lumang ecobag. Mahal din ang ecobag, kaya kung maaari, magtabi ng lumang ecobag, kahit iyong maliliit, tapos iyon ang dalhin sa susunod na pag-grocery. Para hindi mo na kailangang bumili ulit.
* "Kailangan" o "gusto"? Palaging tanungin ang sarili. Bago mo bilhin ang isang bagay, pag-isipan mo talagang mabuti kung kailangan mo ba ito o hindi. Bigyan ang sarili mo ng oras para mag-isip, basahin ulit ang listahan.
* Itago ang mga resibo. Ang mga resibo ay isang magandang paraan para masubaybayan ang iyong gastos. Malalaman mo kung magkano ang nagastos mo sa isang item at kung gaano ka kadalas bumibili nito. Magagamit mo rin ito bilang reference sa pagba-budget o pagtitipid kapag nag-grocery ka ulit.
* Isaalang-alang kung saan ka namimili. Mayroon talagang grocery store na mas mura kaysa sa ibang grocery store. Magkumpara ng mga presyo. Kaya sa susunod, piliin mo iyong mas makakamura ka.