22/08/2025
Ang Paru-Paro at ang Huling Iyak
PART 5
Anim na buwan at dalawang linggo pa lamang ang dinadala ni Alona noon nang biglang dumating ang araw na kinatatakutan ng bawat ina, nanganak siya nang wala sa oras. Mabilis ang mga pangyayari, wala siyang nagawa kundi ang umiyak habang dinadala sa ospital. Sa gitna ng malamig na ilaw ng delivery room, isinilang niya ang kanyang kambal , maliit, marupok, at napakahina.
Matapos ang isang araw, pinayagan na siyang makauwi, ngunit naiwan sa NICU ang kanyang mga sanggol. Mabigat ang dibdib ni Alona habang iniiwan ang kambal sa pangangalaga ng mga doktor, ngunit kumapit siya sa pag-asa na lalakas din ang mga ito.
Pagdating ng alas-sais ng gabi sa kanilang bahay, habang nakaupo siya sa beranda, may dumaong na paru-paro sa kanyang kamay. Hindi basta-basta ang paru-paro na iyon , tila ba may dalang kakaibang init at lungkot. Kasabay nito, narinig niya ang marahang iyak ng isang sanggol… isang iyak na tila nanggagaling hindi sa pandinig, kundi direkta sa kanyang puso.
Sa bawat minuto, napapansin niyang tila nanghihina ang paru-paro. Gayundin, ang iyak na kanyang naririnig ay unti-unting lumalabo at pumapawi. Sa bawat segundo, parang may tinatanggal na bahagi ng kanyang kaluluwa.
Pagsapit ng alas-nuwebe, wala nang buhay ang paru-paro sa kanyang palad. Eksaktong sandali ring iyon nang tumunog ang kanyang telepono, ang nobyo niya na nagbabantay sa ospital ang tumatawag. Nanginginig ang boses nito nang sabihin,
“Wala na ang isa sa ating kambal…”
Parang sumabog ang mundo ni Alona. Wala siyang nais gawin kundi yakapin ang sanggol na hindi na niya maririnig umiyak. Umuwi ang nobyo, dala ang maliit na puting kahon, at maingat na inilapag sa kanilang altar.
Gabi na, at tahimik na sana ang paligid, ngunit may kakaibang tunog na pumupunit sa katahimikan. Parang mga palaka na nagkakantahan sa gitna ng dilim, gayong wala namang ulan. Ang kanilang sabayang tunog ay may ritmo , hindi karaniwang huni, kundi tila panawagan.
Napatingin si Alona sa bintana. Sa dilim ng bakuran, may mga aninong dumaraan , mabilis, maliit, at hindi maaninag kung tao o hayop. Hindi siya makagalaw. At mula sa altar, tila may malamig na simoy na dumampi sa kanyang batok. At doon naalala ni Alona ang mga kakaibang nilalang na nag papakita sa kanya simula ng ipinagbubuntis niya ang kanyang kambal .
-White Lady 👻
-Maligno
-Tiyanak
-Sigbin
Nag tagumpay nga kaya sila sa pagkuha sa isa sa mga sangol niya . Ito ang tanong ni Alona habang umiiyak na niyakap ang isa sa kambal nya na wala ng buhay .