26/05/2026
Isang a*o ang naiulat na natagpuang duguan at malubhang sugatan ng kanyang owner matapos umano itong barilin ng hindi pa nakikilalang indibidwal. Ayon sa ulat, nasa kritikal na kondisyon ang a*o nang matagpuan ito dahil sa matinding sugat at pagkawala ng dugo.
Sa ngayon, wala pa ring kumpirmadong impormasyon kung sino ang responsable sa pamamaril. Hindi rin malinaw kung may mga nakasaksi, CCTV footage, o anumang ebidensya na makakatulong upang matukoy ang gumawa ng marahas na insidenteng ito. Hindi rin malinaw kung saan at kailan eksaktong nangyari ang pamamaril.
Mas lalong naging mahirap alamin ang buong pangyayari matapos biglaang mabura ang mga original posts tungkol sa nasugatang a*o na unang kumalat online. Dahil dito, naging limitado ang updates tungkol sa kondisyon ng a*o at nahirapan din ang mga concerned individuals at rescuers na makapagbigay agad ng tulong.
Nag-attempt na rin kami na makipag-ugnayan privately sa pet owner upang mag-alok ng medical assistance, rescue support, at posibleng legal guidance kaugnay ng insidente. Ngunit sa kabila ng aming mga efforts, nananatili pa rin silang unresponsive hanggang sa kasalukuyan.
Ang pamamaril sa isang hayop ay isang seryosong alegasyon at maaaring paglabag sa animal welfare laws kung mapapatunayang totoo. Anuman ang dahilan, walang hayop ang nararapat makaranas ng ganitong klaseng karahasan. Umaasa kami na mabigyan agad ng agarang veterinary treatment ang a*o at lumabas pa ang karagdagang impormasyon upang maimbestigahan nang maayos ang insidente.
Hinihikayat din namin ang sinumang may impormasyon, nakasaksi, o may hawak na CCTV footage kaugnay ng insidenteng ito na magsalita at tumulong sa imbestigasyon. Kahit maliit na detalye ay maaaring makatulong upang mabigyang-linaw ang nangyari at maiwasan ang mga kahalintulad na insidente sa hinaharap.