15/08/2025
Liza Soberano, inamin ang mapait na pagkabata sa U.S.
Sa isang episode ng Can I Come In? podcast sa YouTube, ibinunyag ni Liza Soberano ang hirap at pang-aabusong naranasan niya sa Amerika bago lumipat sa Pilipinas.
Kwento ni Liza, bata pa lamang ang kanyang mga magulang nang siya ay isilang, at kapwa nahirapang magtaguyod ng pamilya. Nalulong sa droga ang kanyang ina, habang nasangkot sa ilegal na gawain ang kanyang ama.
Matapos maghiwalay ang mga magulang, nakasama ng kanyang ina si “Michael” na nagnakaw ng sasakyan at itinira sila sa loob nito. Doon nagsimula ang pisikal at emosyonal na pang-aabuso, kabilang ang pananakit gamit ang baril.
Nang maaresto ang ina at si Michael, napunta si Liza sa foster care at kalaunan sa pangangalaga ni “Melissa” na umano’y naging mapang-abuso—pinakain siya ng marumi, ikinulong, tinrato bilang “family dog,” at pinatulog sa garahe bilang parusa.
Natuklasan ng social worker ang kalagayan ni Liza at inalis siya sa bahay ni Melissa. Sa edad na 10, ipinadala siya sa Pilipinas upang manirahan sa kanyang ama, kahit labag sa kanyang kalooban.
Sa kabila ng lahat, nananatiling matatag si Liza at patuloy na nilalampasan ang mapait na nakaraan.