26/08/2025
2 Bangkay Natagpuan sa Gitna ng Search and Retrieval Operation sa Karagatang Parang, Sulu; Isang Indibidwal Nananatiling Nawawala
Sulu, Agosto 24, 2025— Noong ika-24 ng Agosto 2025, bandang alas-9:00 ng umaga, isinagawa ang isang search and retrieval operation ng Sulu Maritime Police Station (MARPSTA), kasama rin ang Regional Maritime Unit – BARMM (RMU-BAR), Sulu Provincial Police Office (PPO), Tapul MPS, Maimbung Coast Guard, at PDRRMO sa karagatang sakop ng Sulari, Parang, Sulu.
Ang operasyon ay reaksyon sa insidente ng sunog sa dagat noong Agosto 23, 2025 sa Kabingaan Island, Tapul, Sulu, na nagdulot ng pagkawala ng tatlong indibidwal. Ayon sa mga nakaligtas na sina Muktar Acosta Mohammad at Oscar Arpa, dalawa sa limang nakaligtas, hindi na muling nakita ang tatlo nilang kasama matapos ang sunog.
Sa isinagawang operasyon, matagumpay na narekober ang dalawang bangkay—kilala bilang sina John Mohammad at Gerald Mohammad. Agad silang kinilala ng kanilang mga pamilya at inihanda para sa tradisyunal na pamamaraang Muslim burial.
Subalit, ang katawan ni Esmail ay hindi pa rin natatagpuan, malamang na tinangay ng malalakas na alon dulot ng masamang lagay ng panahon.
Sa ngayon, si Muktar ay nasa ilalim ng medikal na pangangalaga sa Maimbung District Hospital, habang si Oscar ay inilipat sa Sulu Provincial Hospital. Patuloy ang koordinasyon ng mga kaukulang ahensya upang ipagpatuloy ang paghahanap at recovery sa nawawalang indibidwal. (Salvacion Requirme)
source: Philippine National Police-Maritime Group