08/05/2025
DICT, nagbigay ng libreng high-speed internet para sa SSS eWheels sa Lucena
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon – Inanunsyo ng SSS Lucena Branch na ang tanggapan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa lalawigan ay nagkaloob ng libreng high-speed internet para sa SSS eWheels. Gagamitin ang koneksyong ito tuwing bibisita ang eWheels sa mga liblib na lugar upang dalhin ang mga serbisyo ng SSS sa mga komunidad sa laylayan.
Ayon kay Frederick D. Isip, Pinuno ng SSS Lucena Branch, ipinagkaloob ng DICT ang isang Mobile Starlink device nang libre, na maaaring gamitin ng SSS sa loob ng isang taon simula Marso 28, 2025.
Ipinaliwanag ni Isip na malaki ang maitutulong ng ugnayang ito upang mas mapalakas ang programa ng SSS e-Wheels – lalo na sa pagbibigay ng tuloy-tuloy na online services sa mga lugar na may limitadong o walang internet connection.
“Ang teknolohiyang satellite internet na ito ay direktang tumutugon sa mga hamon sa mga liblib na lugar. Malaki ang epekto nito sa pagpapabuti ng uptime ng aming sistema at pagbabawas ng oras ng paghihintay ng aming mga kliyente. Isang malaking hakbang ito para sa SSS Lucena upang mas mailapit pa namin ang digital services sa aming mga miyembro,” ani Isip.
Saklaw ng SSS Lucena ang 29 na bayan at dalawang lungsod sa lalawigan ng Quezon, kabilang ang mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs). Ayon pa kay Isip, mas handa na ngayon ang SSS Lucena na magbigay ng tuloy-tuloy na digital na serbisyo sa mga miyembro nito.
Mabibigyang-daan na ang mas mabilis na access sa My.SSS portal at SSS Mobile App, Real-Time Processing of Contributions (RTPC), aplikasyon para sa pagiging miyembro, online registration, verification services, at konsultasyon ukol sa mga benepisyo sa mga komunidad na dating mahirap maabot.
“Ang inisyatibong ito ay patunay ng aming dedikasyon sa inobasyon at mahusay na serbisyo publiko. Sisiguraduhin naming walang miyembrong maiiwan dahil lamang sa problema sa koneksyon. Mas epektibo naming maihahatid ang mahahalagang transaksyon at mas mapagkakatiwalaan ang aming serbisyo. Sa katunayan, nakaplano na ang e-Wheels sa karamihan ng mga bayan at munisipalidad na nasasakupan ng SSS Lucena,” dagdag ni Isip.
“Ang partnership na ito ay isang malinaw na halimbawa kung paano ang pagtutulungan ng mga ahensya ay maaaring magbunga ng tunay na pagbabago. Sa pakikipag-ugnayan namin sa DICT at sa paggamit ng kanilang Starlink technology, hindi lang namin pinapalakas ang koneksyon – sinisiguro rin naming maabot ng serbisyo ang bawat miyembro saan man sila naroroon. Lubos ang aming pasasalamat sa DICT sa kanilang patuloy na suporta, at excited kaming tuklasin pa ang iba pang paraan ng pagtutulungan upang mas mailapit ang social security services sa bawat Pilipino,” pagtatapos ni Isip. # # #