24/11/2025
Weather Update:
ORIENTAL MINDORO NASA ILALIM NG SIGNAL NO. 1 HABANG PAPALAPIT SI BAGYONG VERBENA
As of Nobyembre 24, 2025 @11:00 a.m,
nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Oriental Mindoro habang patuloy na lumalapit sa bansa ang Bagyong Verbena, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA. Huling namataan ang bagyo alas-10 ng umaga sa layong 206 kilometro silangan-timogsilangan ng Surigao City, Surigao del Norte, taglay ang laksa ng hangin na 45 kph at pagbugsong 55 kph, habang kumikilos pakanluran sa bilis na 15 kph.
Bukod sa Oriental Mindoro, sakop din ng Signal No. 1 ang Dinagat Islands, Surigao del Norte, hilagang Surigao del Sur, Agusan del Norte, hilagang Agusan del Sur, silangang Misamis Oriental, Camiguin, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Cebu, Bohol, Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor, Iloilo, Capiz, Aklan, Antique, Guimaras, hilagang Palawan, Occidental Mindoro, Romblon, at mainland Masbate.
Inaasahang magla-landfall o dadaan nang napakalapit ang bagyo sa Caraga mamayang hapon o gabi bago tumawid pa-northwest sa Visayas at hilagang Palawan bilang tropical depression. Posibleng nasa West Philippine Sea na ito pagsapit ng Miyerkules ng umaga at lalakas hanggang severe tropical storm bago lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Huwebes.
Dahil sa lawak ng epekto, inaasahang magdadala si Verbena ng malalakas na pag-ulan sa Southern Luzon—kabilang ang Oriental Mindoro—Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao hanggang Miyerkules. Posible ang matitinding pag-ulan sa Caraga, Visayas, Occidental Mindoro, Aurora, Isabela, at Cagayan na maaaring magsanhi ng malawakang pagbaha at landslides.
Sa Metro Manila, inaasahan ang pag-ulan simula Martes, na lalakas pa Miyerkules, at posibleng magdulot ng pagbaha sa mababang lugar.
Patuloy na pinapayuhan ang mga residente ng Oriental Mindoro at iba pang lugar na nasa Signal No. 1 na magmonitor sa mga opisyal na abiso at maging handa sa posibleng masamang panahon.