07/10/2026
𝐊𝐀𝐆𝐀𝐌𝐈𝐓𝐀𝐍 𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 𝐍𝐄𝐀 𝐋𝐀𝐒𝐓 𝐌𝐈𝐋𝐄 𝐒𝐂𝐇𝐎𝐎𝐋𝐒 𝐏𝐑𝐎𝐉𝐄𝐂𝐓, 𝐃𝐔𝐌𝐀𝐓𝐈𝐍𝐆 𝐍𝐀 𝐒𝐀 𝐁𝐔𝐋𝐀𝐋𝐀𝐂𝐀𝐎! ⛅✏️📚⚙️🔩
𝐓𝐈𝐍𝐆𝐍𝐀𝐍 | Dumating na noong Sabado, ika-3 ng Oktubre 2026, ang mga materyales at kagamitan para sa 𝐋𝐚𝐬𝐭 𝐌𝐢𝐥𝐞 𝐒𝐜𝐡𝐨𝐨𝐥𝐬 (𝐋𝐌𝐒) 𝐏𝐫𝐨𝐣𝐞𝐜𝐭 ng National Electrification Administration, katuwang ang Cost Plus, Inc. Layunin ng inisyatibang ito na maghatid ng 𝐥𝐢𝐰𝐚𝐧𝐚𝐠 sa mga 𝐩𝐚𝐚𝐫𝐚𝐥𝐚𝐧𝐠 nasa malalayo at 𝐥𝐢𝐛𝐥𝐢𝐛 na pook ng lalawigan. 🍎✏️📚
Kasalukuyang nananatili ang mga kagamitan sa pangangalaga ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa Regional Evacuation Building, Diversion Road, Sitio Caw-ayan, Poblacion, Bulalacao, hanggang sa mailipat ang mga ito sa mga itinakdang LMS site.
Lubos na kinikilala ng kooperatiba ang buong-pusong suporta ni Bulalacao Mayor Lumelito Cabagay sa proyekto. Sa pamamagitan ng kanyang aktibong pakikiisa at patuloy na pakikipagtulungan, higit na napapadali ang pagsasakatuparan ng mga hakbangin ng kooperatiba sa bayan ng Bulalacao, kabilang ang pagpapahintulot na pansamantalang maiimbak ang mga kagamitan sa pasilidad ng MDRRMO.
Nagpahayag din ang alkalde ng kahandaang magpaabot ng karagdagang tulong upang matiyak ang tagumpay ng proyekto para sa kapakanan ng mga mag-aaral at pamayanan.
Bilang katuwang ng NEA sa proyekto, tinanggap at pinangangalagaan ng ORMECO ang mga kagamitang pag-aari ng ahensya. Pinangunahan ni Corporate Communications and Marketing Division (CCMD) Chief Catherine Mae A. Alforo ang pagtanggap, kasama sina CCMD Staff Nicole Acuzar; LTER Staff Jeff Ronnel Cuales, Clefford Michael Caringal, at Gerald Dimalibot; at District 7 Foreman Wilbert Mungag.
Masusing binilang at siniyasat ng pangkat ang bawat kagamitan batay sa mga delivery receipt bago ito nilagdaan. Idinokumento rin sa pamamagitan ng larawan at bidyo ang buong proseso ng pagbaba, inspeksyon, at pag-iimbak upang matiyak ang kaayusan at pananagutan sa bawat hakbang.
Itinuturing na mahalagang hakbang ito tungo sa katuparan ng layunin ng proyekto, na mapailawan ang mga paaralang matagal nang hindi naaabot ng serbisyo ng kuryente, upang higit na maging maayos, ligtas, at makabuluhan ang pag-aaral ng mga kabataang Mindoreño.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ORMECO sa NEA at sa Pamahalaang Bayan ng Bulalacao para sa susunod na yugto ng proyekto, kabilang ang paglilipat ng mga kagamitan sa mga benepisyaryong paaralan.