
26/07/2025
DIESEL, POSIBLENG MAGMAHAL; GASOLINA, ASAHANG BABABA SA PRESYO SA SUSUNOD NA LINGGO
Iba't ibang galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ang inaasahan sa susunod na linggo, na sumasalamin sa kasalukuyang takbo ng pandaigdigang merkado ng langis.
Ayon sa mga source sa industriya ng langis, posibleng tumaas ang presyo ng diesel ng P0.40 hanggang P0.60 kada litro, at nasa P0.30 kada litro naman para sa kerosene.
Samantala, may bawas presyo naman na P0.10 hanggang P0.30 kada litro ang inaasahan para sa gasolina. Ang mga pagtatantya na ito ay batay sa resulta ng kalakalan sa nakalipas na apat na araw.
Ipinaliwanag ni Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau, na ang pabago-bagong presyo ng langis ay dulot ng mga geopolitical events at kawalan ng katiyakan sa US trade policies. Dagdag pa ni Leo Bellas, presidente ng Jetti Petroleum, ang pangamba sa paghigpit ng supply ang nagtulak sa pagtaas ng presyo ng langis matapos ang bagong parusa na ipinataw ng European Union sa Russia dahil sa giyera nito laban sa Ukraine. Aniya, maaaring maging "malubha" ang epekto ng mga bagong parusa kung tuluyang ipatutupad, lalo't nananatili ang Russia bilang pangunahing supplier ng gasolina at diesel sa mundo.