10/07/2026
Hindi lahat ng taong nasa loob ng Church ay tunay na sumasamba sa Diyos.
Ang pag-upo sa loob ng church ay hindi awtomatikong nangangahulugang nakikipagtagpo ka na sa Diyos. May mga taong present ang katawan, pero absent ang puso.
May pumupunta dahil nakasanayan na. May pumupunta para makita ang barkada. May pumupunta para makapag-post ng picture. At may pumupunta, pero mas maraming oras ang ginugugol sa cellphone kaysa sa pakikinig sa Salita ng Diyos.
Pagkatapos ng service, sasabihin pa nila, "Hindi ako na-bless ngayon."
Pero ang tanong, hinanap mo ba talaga ang Diyos, o dumalo ka lang?
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay ang church ang may problema. Kadalasan, ang hadlang sa pagpapala ay ang ating sariling puso.
Apat na dahilan kung bakit hindi ka nakararanas ng pagpapala kahit regular kang pumupunta sa Church
1. LATE KANG DUMARATING
Kapag tapos na ang worship saka ka pa lang dumarating, huwag kang magtaka kung bakit pakiramdam mo ay may kulang. Kung mahalaga ang pakikipagtagpo sa Diyos, bakit Siya ang laging pinaghihintay?
2. WALANG PUSO ANG PAGSAMBA
Umaawit ang lahat, pero ikaw ay nakatulala. Mas abala ka sa pagre-record ng video, pag-scroll sa social media, o pagtingin sa ibang tao kaysa sa pagpupuri sa Diyos. Hindi mo mararanasan ang lalim ng pagsamba kung hindi ka rin magbibigay ng buong puso.
3. HINDI KA NAKIKINIG SA SALITA NG DIYOS.
Habang nangangaral ang pastor, nasa cellphone ang mata, nakikipagkuwentuhan sa katabi, o palabas-labas ng church. Paano magsasalita ang Diyos sa taong ayaw makinig?
4. MAS NAKATINGIN KA SA TAO KESA KAY CRISTO.
Napansin mo ang sintunadong singer, ang maling lyrics, ang pagkakamali ng speaker, pero hindi mo napansin ang mensaheng gustong iparating ng Diyos. Kapag ang mata ay laging nakatuon sa mali ng tao, hindi mo makikita ang kabutihan ng Diyos.
Maraming tao ang umaalis sa church na walang natanggap dahil ang hinanap nila ay perpektong programa, hindi ang presensya ng Panginoon.
May mga church na hindi perpekto ang worship team. May mga pagkakataong may maling nota o simpleng pagkakamali. Ngunit kapag ang buong kongregasyon ay sumasamba nang tapat, makikita mong umaalis silang may kapayapaan at kagalakan. Hindi dahil magaling ang performers, kundi dahil ang Diyos ang sentro ng kanilang pagsamba.
Kaya sa susunod na pupunta ka sa church, huwag mong itanong,
"Ano ang maibibigay sa akin ng church?"
Sa halip, itanong mo,
"Handa ba ang puso ko na sumamba, makinig, magsisi, at sumunod sa Diyos?"
Hindi hadlang ang simpleng church para maranasan ang presensya ng Diyos. Ang tunay na hadlang ay pusong sarado, mapagmataas, at walang paghahangad sa Kanya.
Kapag tama ang puso, hindi mawawala ang pagpapala ng Diyos—kahit hindi perpekto ang lahat ng nasa paligid mo.