31/07/2025
ZERO-BALANCE BILLING, IPINATUTUPAD NA SA 87 DOH HOSPITAL SA BUONG BANSA
Ipinahayag ni Health Secretary Ted Herbosa na ipinatutupad na sa 87 ospital ng Department of Health (DOH) ang zero-balance billing, na unang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Herbosa, saklaw ng zero-balance billing ang mga pasyenteng naka-admit sa basic accommodation o ward ng DOH hospitals. Hindi kabilang dito ang mga pasyente sa private rooms, kung saan may hiwalay na bayad sa doktor at kuwarto.
Hindi rin saklaw ng direktang zero-balance billing ang apat na government-owned and controlled hospitals—Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, at Philippine Children’s Medical Center—dahil mas maraming private rooms ang mga ito. Gayunman, may mga benefit packages naman doon na maaaring magresulta sa wala ring bayarin ang pasyente.
Nagsimula ang programa noong Mayo 14 pa, bago pa ito opisyal na ianunsyo ng Pangulo. Ang PhilHealth ang sumasagot sa 100% ng bayarin para sa minimum care, k**a, gamot, at iba pang serbisyo ng ospital. Kung may gamot na hindi kasama sa Philippine National Drug Formulary, ibang pondo ng gobyerno ang sasagot dito.
Ayon sa DOH, may sapat na kagamitan at pondo ang mga pampublikong ospital para matustusan ang programa. Ang mga pasyenteng wala pang PhilHealth ay tinutulungan ng ospital na makapag-enroll upang makinabang din sa zero-balance billing.
Source: GMA News