24/09/2025
𝐀𝐧𝐠𝐠𝐮𝐥𝐨𝐧𝐠 𝐒𝐢𝐧𝐢𝐬𝐢𝐠𝐚𝐰
“𝗜𝗧𝗔𝗔𝗦 𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗥𝗘𝗦𝗬𝗢 𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗟𝗔𝗬!!”
Sigaw ito ng magsasakang tila ba laging nasa likod ng kamera—hindi nakikita, hindi naririnig. Habang sa hapag ng bawat Pilipino ay nakahain ang kanin, sa likod nito ay libo-libong magsasakang nakaluhod sa bigat ng lugi at kawalan ng katarungan. Sa bawat anggulo ng kanilang buhay, iisa ang hulma: sakripisyo, pagod, at panlilinlang ng magulong sistemang dapat sana’y kaagapay nila.
𝟗𝟎° – 𝐀𝐧𝐠 𝐏𝐫𝐞𝐬𝐲𝐨𝐧𝐠 𝐋𝐮𝐦𝐮𝐥𝐮𝐡𝐨𝐝
Isipin ang larawan: isang sako ng palay na tinalian ng pawis at dugo ng magsasaka, ngunit ibinebenta lamang sa halagang ₱8–₱11 kada kilo. Samantala, sa kabilang eksena, ang bigas na mula rito’y binabayaran ng mamimili sa ₱40–₱50 kada kilo.
“Kasla mi lang ipadpadawaten (Parang ipinapamigay na lang namin),” ani ni Mang Rolando, magsasaka mula Camalaniugan. Sa halip na tubo, utang ang hatid ng ani; sa halip na kasiyahan, pighati ang dulot ng pagbubungkal. Sa anggulong ito, ang magsasaka’y parang nakayuko—pinipilit buhatin ang presyo na matagal nang nakadikit sa lupa.
𝟏𝟖𝟎° – 𝐀𝐧𝐠 𝐁𝐚𝐭𝐚𝐬 𝐧𝐚 𝐁𝐮𝐦𝐚𝐥𝐢𝐧𝐠
Noong 2019, ang kamera ng gobyerno’y biglang umikot. Sa pagpasa ng Rice Tarrification Law (RTL), ipinangakong bababa ang presyo ng bigas para sa lahat. Ngunit sa ibang anggulo, ito pala’y pagbaligtad ng kanilang mundo.
Dumagsa ang imported na bigas mula sa Vietnam at Thailand, pinuno ang merkado, at pinilit pababain ang presyo ng lokal na ani. Ang Pilipinas—isang bansang agrikultural—ngayon ay kilala bilang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo.
Para sa magsasaka, ang RTL ay parang eksenang pinutol at pinalitan: ang papel nila bilang tagapagpakain ng bayan ay biglang binura, at ang bida ay ginawang dayuhang produkto.
𝟑𝟔𝟎° – 𝐀𝐧𝐠 𝐒𝐢𝐤𝐥𝐨 𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐭𝐢𝐰𝐚𝐥𝐢𝐚𝐧
Iikot pa ang kamera, at makikita ang mas masakit na eksena: ang mga opisyal na dapat sana’y tagapagtanggol ng agrikultura, ngayon ay abala sa pulitika at katiwalian.
Habang nalunod sa baha ang palay, nalunod din sa bulsa ng iilan ang pondong nakalaan para sa mga magsasaka. Habang umiiyak ang magsasaka sa gitna ng bagyo, ngiti naman ang mga politiko sa gitna ng mga proyekto’t pangakong walang laman.
Ito ang paulit-ulit na eksena:
import, ignore, repeat.
At sa bawat ikot ng kamera, ang magsasaka’y lalong nadudurog.
𝐏𝐚𝐧𝐚𝐰𝐚𝐠𝐚𝐧 𝐦𝐮𝐥𝐚 𝐬𝐚 𝐏𝐚𝐥𝐚𝐲𝐚𝐧
Hindi awa ang hiling nila. Hindi rin simpatiya. Ang kanilang sigaw ay malinaw—katarungan.
1. Ipatigil ang importasyon ng bigas hanggang 2028 upang makahinga ang lokal na magsasaka.
2. Amyendahan o buwagin ang RTL na nagpasadsad ng kanilang kabuhayan.
3. Itaas ang presyo ng palay sa makatarungang antas upang maramdaman nila ang tunay na halaga ng kanilang sakripisyo.
Kung tunay na anak ng lupa ang Pangulo, hindi banyagang barko ang dapat niyang pakinggan kundi ang tinig ng palayan.
Sa bawat anggulo—mula sa baryo hanggang sa palengke, mula sa batas hanggang sa bulok na sistema—iisa lamang ang kuhang larawan: magsasakang pinabayaan. Ngunit ngayong bumagsak na ang presyo, tinamaan ng bagyo, at binalewala ng batas, sumisigaw na ang palay—at sa huling kuha ng kamera, ang sigaw na ito ay hindi na kayang patahimikin.
🖋: Precious Althea Pagtama
📷: Andrei Majison Alvarez
🎨: Lanz Angelo Consigna