05/10/2025
𝗟𝗔𝗧𝗛𝗔𝗟𝗔𝗜𝗡 | 𝐀𝐧𝐠 𝐀𝐩𝐚𝐭 𝐧𝐚 𝐌𝐮𝐤𝐡𝐚 𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐥𝐢𝐤𝐚𝐬𝐚𝐧
Isang patimpalak ng ganda at adhikain kung saan ang sining ay isinabuhay, ang basura ay binigyang saysay, at ang kalikasan ay pinarangalan sa anyo ng apat na elemento: hangin, tubig, apoy, at lupa.
𝐇𝐚𝐧𝐠𝐢𝐧 𝐧𝐠 𝐒𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠
Magaan ngunit mapanghikayat, gaya ng hangin sa unang bugso ng umaga, ganito ang naging daloy ng Ravenclaw sa entablado. Ang kanilang kasuotan ay ginamitan ng ginupit-gupit na CD, makukulay na bote ng plastik, at malalambot na tela na lumilipad at sumasabay sa kanilang galaw.
Si Nadine V. Santos ay tila ihip ng hangin na bumabalot sa kapaligiran, banayad ngunit may presensya. Si Nathaniel Vincent B. Distrito naman ay parang hanging may dalang mensahe ng pagbabago.
Sa bawat ihip ng kanilang pagganap, wari’y pag-aninag ng sining at pilosopiya. Hindi man pinakamaingay, ang kanilang kagandahan ay lumutang sa ere—sapat upang maiangat si Nadine sa ikatlong ihip ng karangalan, habang si Nathaniel ay lumipad paitaas, hanggang sa ikalawang ulap ng tagumpay.
𝐓𝐮𝐛𝐢𝐠 𝐧𝐚 𝐌𝐚𝐧𝐝𝐢𝐫𝐢𝐠𝐦𝐚
Dumadaloy, umaagos, at walang kinatatakutan—ganyan ang pagdating ng Slytherin. Ang kanilang kasuotan ay tila isinilang mula sa ilog ng imahinasyon: foil na kumikislap gaya ng alon, kapa mula sa sako na rumaragasa gaya ng tubig, at ahas na sumisimbolo sa likas na katalinuhan ng kanilang disenyo.
Si Shekaina Angel L. Tijares ay parang talon, tahimik ngunit malakas. Samantalang si Denziel Gerard G. Mendoza ay gaya ng ilog, mabilis, tuloy-tuloy, at hindi mapipigilan.
Ang kanilang Bb. Greenovation na si Shekaina ay dumaloy patungo sa pampang ng ikalawang pagkilala, habang ang G. Greenovation na si Denziel ay bumaha ng tapang at dumiretso sa pinakatuktok ng ilog ng tagumpay—tangan ang unang dangal sa hanay ng kalalakihan.
𝐀𝐩𝐨𝐲 𝐧𝐠 𝐃𝐢𝐰𝐚
Gamit ang walis tambo, cellophane, maskara, at mga pamaypay, nagliyab sa entablado ang Gryffindor. Isang apoy na hindi lang mainit, kundi nag-aanyaya ng pagdiriwang. Ang bawat elemento ng kasuotan ay sumalamin sa apoy ng kulturang Pilipino at tapang ng isang bayaning mulat sa kapaligiran.
Si Aziel Hannah G. Cervania ay tila ilaw sa gabi ng pista, nagniningning at hindi kayang balewalain. Si Cody Jhiro C. Villamater naman ay tila isang sigang may alab ng puso at silakbo ng layunin.
Hindi man sila ang pinalad na magningning nang lubos, ang kanilang apoy ay hindi kailanman namatay. Sa katunayan, umilaw si Aziel sa ilalim ng gabi, halos abot ang bituin ng tagumpay, habang si Cody ay nagsindi ng sarili niyang sulo na nauwi sa kanyang pagkamit ng ikatlong gawad.
𝐋𝐮𝐩𝐚 𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐠𝐥𝐢𝐤𝐡𝐚
Matatag, likas, at puno ng buhay—ang Hufflepuff ang mismong katawan ng kalikasan. Ang kanilang kasuotan ay buong-buong gawa sa dyaryo, sako, straw, tray ng itlog, at karton. Mula ulo hanggang paa, literal nilang inangkin ang diwa ng lupa. Ang kanilang anyo ay tila ani ng sakahan: payak, makulay, at may layunin.
Ang kanilang Bb. Greenovation ay repleksyon ng kababaihang naglilinang ng lupa, mahinahon ngunit may dignidad. Ang G. Greenovation naman ay tila magsasakang mandirigma na may kasangkapang gawa sa basura, ngunit armadong may malasakit at layuning makapagbago.
Sa pagtatapos ng araw, sa pagitan ng sipol at hiyaw, lumitaw ang bunga ng kanilang pagsusumikap. Ang lupa ay yumabong, ang ani ay inani, at ang korona ay itinanim sa kanilang mga ulunan. Sila ang itinanghal na Hari at Reyna ng Kalikasang mulat—sina Leira Angelene T. Magat at Jairus Elijah A. Garcia, ang G. at Bb. Greenovation 2025.
𝐃𝐚𝐧𝐠𝐚𝐥 𝐧𝐠 𝐋𝐢𝐤𝐚𝐬
Mula sa hangin ng sining, tubig ng karunungan, apoy ng kultura, at lupa ng pag-asa, isinilang ang tunay na anyo ng ganda: ang likas, ang makakalikasan, at ang makabuluhan.
𝗚𝗮𝘄𝗮 𝗻𝗶: Jan Krystel L. Sabado, Patnugot ng Lathalain
𝗣𝗮𝗴-𝗮𝗮𝗻𝘆𝗼 𝗮𝘁 𝗗𝗶𝘀𝗲𝗻𝘆𝗼 𝗻𝗶: Chelsey G. Vitug, Tagapag-anyo at Sining