11/03/2025
PNP STATEMENT SA PAGKAMATAY NG DALAWANG PULIS SA BOCAUE, BULACAN OPERATION
Lubos na nakikiramay ang Philippine National Police sa pagkamatay nina Police Staff Sergeants Dennis Cudiamat at Gian George Dela Cruz kapwa myembro ng Bocaue Municipal Police Station, na buong tapang na nagbuwis ng buhay habang isinasagawa ang isang operasyon laban sa ilegal na baril sa Bocaue, Bulacan noong Marso 8, 2025.
Ang kanilang katapangan at dedikasyon sa pagpapatupad ng batas ay sumasalamin sa pinakamataas na prinsipyo ng paglilingkod bilang isang pulis. Malalim ang hinanakit ng kanilang mga pamilya, kasamahan, at buong PNP, pati na rin ng mga komunidad na kanilang tapat na pinagsilbihan.
Tinitiyak namin sa kanilang pamilya na makakamit ang hustisya. Patuloy ang masusing imbestigasyon at isang malawakang hot pursuit operation ang isinasagawa upang mahuli ang natitirang suspek. Hindi kami titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimeng ito.
Taos-puso rin naming ipinapaabot ang aming pakikiramay at suporta sa mga naulilang pamilya nina PSSg Cudiamat at PSSg Dela Cruz. Asahan ninyo ang tulong mula sa PNP sa panahong ito ng matinding dalamhati. Ang kanilang sakripisyo ay hindi malilimutan.
Hinihikayat namin ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa agarang paghuli sa natitirang suspek. Patuloy na maninindigan ang PNP sa aming misyon na panatilihin ang kapayapaan, protektahan ang ating mga komunidad, at ipaglaban ang katarungan.
Sa ating mga kapwa pulis, ang pangyayaring ito ay paalala ng panganib na kaakibat ng ating tungkulin. Ipagpatuloy natin ang ating walang sawang pagsusumikap para sa hustisya at kapayapaan bilang pagpupugay sa ating mga bayani.
Paalam at salamat sa inyong serbisyo.