15/10/2025
𝐔𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐅𝐀𝐁 𝐅𝐢𝐥𝐦 𝐅𝐞𝐬𝐭𝐢𝐯𝐚𝐥, 𝐦𝐚𝐭𝐚𝐠𝐮𝐦𝐩𝐚𝐲 𝐧𝐚 𝐢𝐧𝐢𝐥𝐮𝐧𝐬𝐚𝐝
Isang bagong yugto para sa mga malikhaing Bataeño ang binuksan ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB), katuwang ang BTN Association sa pamamagitan ng FAB Film Festival (FFF) — ang kauna-unahang lokal na film festival sa Bataan, tampok ang sampung orihinal na short films mula sa mga direktor at production teams ng lalawigan.
Ginanap ang FFF premiere night sa AFAB Administration Building sa FAB, Mariveles, kung saan sabay-sabay napanood ang mga pelikulang sinulat, kinunan, at binuo ng mga napiling finalists. Bago magsimula ang palabas, pinangunahan ng mga opisyal ng AFAB at BTN ang ribbon-cutting ceremony para sa exhibit ng mga opisyal na poster ng kalahok na pelikula.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni AFAB Administrator and CEO Hussein Pangandaman na ang Freeport ay hindi lamang lugar ng produksyon at negosyo—ito rin ay puwang para sa malikhaing pagpapahayag. “Ang diwa po ng FAB ay nasa bawat taong marunong lumikha at magtaguyod. Sa bawat produkto, serbisyo, o ideyang nabubuo rito, buhay rin ang husay at dedikasyon ng mga mamamayan nito,” aniya.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga miyembro ng AFAB Management Team, kabilang sina Deputy Administrator for Support Services Ma. Lourdes Herrera, Deputy Administrator for Operations Atty. Michael Angelo Paderanga, Office of the Administrator Group Head Atty. Percival Peralta, at Chief of Staff Augusto Kimpo, na nagpaabot ng buong suporta sa mga kalahok.
Ibinahagi naman ng BTN representative na si Mr. Gabriel Guevarra na ito ang “una sa ganitong uri sa Bataan,” at pinuri ang FFF dahil sa open-theme format nito na nagbigay kalayaan sa mga filmmaker na magpahayag ng kani-kanilang kuwento.
Kasama sa panel ng hurado ang kilalang direktor na si Joel Ferrer, na nagpahayag ng paghanga sa galing at puso ng mga pelikula. “Ramdam ko ang puso sa mga pelikulang ito. Sana lumaki pa ang festival na ito at makapagbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga filmmaker sa ating bayan,” ani Ferrer.
Ang sampung tampok na pelikula sa FAB Film Festival:
1. Para sa Paborito Kong Putahe by Erika Ann Bautista (Salimpusa Production)
2. Daluyong by Erwin Jericho Arceo (Sine Kundiman)
3. Maiba Taya by Emir Canlas (EC Films)
4. Tayo sa Dilim by Satoru Corilla (BlueSky Productions)
5. Kubli by Billy Oyanib (One Man Films)
6. Isang Kilo by Jeyk Esperanza (Obra Production)
7. Tagahulo by Lemmor Miguel Vitug (Cinemmon Films)
8. As If We Never Left by Marvin Rei Panes (Nostalgia Cartel)
9. Resume by Michael Angelo Cervantes (CAMAC Production)
10. Kuwentong Multo by Dexter Paul De Jesus (Ciete Cinco Creatives)
Sa pagtatapos ng gabi, nagbigay ng mensahe si Atty. Percival Peralta, na pinuri ang mga bawat kalahok sa pagpapatunay na ang FAB, at ang Bataan ay tahanan ng talento, kwento, at pagkamalikhain.
Ang FAB Film Festival Awards Night ay gaganapin sa mga susunod na linggo, kung saan pararangalan ang mga mangungunang pelikula matapos ang deliberasyon ng mga hurado.