06/09/2026
𝗟𝗔𝗧𝗛𝗔𝗟𝗔𝗜𝗡| 𝐁𝐚𝐬𝐚𝐠𝐢𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐭𝐚𝐡𝐢𝐦𝐢𝐤𝐚𝐧, 𝐁𝐢𝐠𝐲𝐚𝐧𝐠-𝐇𝐚𝐥𝐚𝐠𝐚 𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐥𝐮𝐬𝐮𝐠𝐚𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐧𝐠𝐤𝐚𝐢𝐬𝐢𝐩𝐚𝐧
"𝙊𝙠𝙖𝙮 𝙡𝙖𝙣𝙜 𝙖𝙠𝙤.”
Salitang madalas nating marinig, sa mga kaibigan, mga kaklase, o maging sa kapamilya. Madaling sabihin, madaling paniwalaan, at madali ring tanggapin, ngunit hindi lahat ng “okay lang” ay nangangahulugang tunay na maayos ang isang tao. Hindi natin alam kung ilang beses itong inuulit at pilit kinakaya ang bigat na hindi kayang ikuwento.
May mga bagay na hindi nakikita sa isang ngiti, may mga kuwentong hindi nasasabi sa isang maikling kumusta lamang at may mga laban na pinipiling tahimik na harapin dahil sa takot na hindi maintindihan, mahusgahan, at maging pabigat sa iba. Sa likod ng isang ngiti, may kuwentong hindi naisasalaysay, may mga damdaming hindi maipaliwanag, at mga pasaning pinipiling sarilihin. Hindi lahat ng taong tumatawa ay walang lungkot, at hindi rin lahat ng tahimik ay walang gustong sabihin.
Sa mundong sanay tayong makita ang pagiging matatag ng bawat tao bilang sukatan ng kakayahan, minsan nakakalimutan na nating may karapatan din ang bawat isa na mapagod, malito, at humingi ng tulong.
Tuwing buwan ng Setyembre, ginugunita ang Su***de Prevention Month, isang pagkakataon upang higit na pagtuunan ng pansin ang kahalagahan ng buhay, mental health, at malasakit sa kapwa. Hindi lamang ito isang simpleng paggunita, kundi isang paalala na ang bawat buhay ay mahalaga at ang bawat tao ay karapat-dapat na marinig, maunawaan, at maalalayan. Hindi lang dapat magtatapos sa isang buwan ang mga paalala at pagpapahalaga tungkol sa usaping ito, dahil ang kalusugang pangkaisipan ay bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay, tulad ng ating katawan, nangangailangan din ito ng pahinga, pag-aalaga, at atensyon.
Sa araw-araw, may mga taong pinipiling manahimik tungkol sa kanilang nararamdaman. May mga ngiting ginagamit na panakip-butas upang pagtakpan ang pagod, at may mga tawang nagsisilbing sandalan sa mabibigat na araw, ngunit hindi naman talaga ganoon ang pakiramdam. Madalas nating sabihin ang mga katagang "ayos lang ako", "kaya ko naman to" at "lilipas din ito", ngunit hanggang kailan ba tayo magsisinungaling? Dahil ang katotohanan ay ngangailangan tayo ng karamay, isang kaibigan na handang makinig.
Sa maraming pagkakataon, ang katahimikan ay nagmumula sa takot. Takot na matawag na mahina. Takot na hindi paniwalaan. At takot na sabihing “arte lamang”. Dahil dito, may mga taong mas pinipiling itago ang kanilang nararamdaman kaysa magsalita. Dito dapat magsimula ang pagbabago. Kailangan nating lumikha ng isang kapaligirang hindi natatakot magsabi ng “pagod na ako,” “nahihirapan ako,” at "kailangan ko ng tulong.”
Ang paghingi ng tulong ay hindi pagkatalo. Ang pagpapahinga ay hindi katamaran, ang pagluha ay hindi kahinaan, at ang paghingi ng tulong ay hindi kabiguan, kundi isang paraan upang hindi natin kailangang dalhin mag-isa ang bigat ng buhay. May mga araw na hindi natin kayang harapin ang lahat, at ayos lang iyon. Hindi kailangang itago ang pagod at bigat na nararamdaman. Minsan, kailangan lang nating huminto, huminga, at isang taong masasandalan.
Hindi natin kailangang maging isang eksperto upang maglasakit. Minsan, sapat nang marunong tayong makinig nang buong puso, umunawa nang walang panghuhusga, at manatili kapag may taong nangangailangan ng kasama. Dahil hindi natin alam kung ano ang kinikimkim ng bawat taong nakakasalamuha natin araw-araw. Kaya bago mo sabihing “Kaya mo ’yan,” bakit hindi mo muna sabihing “Nandito ako, handang makinig sayo.” Sapagkat sa mundong maraming natututong ngumiti kahit mabigat ang kalooban, maaaring ang simpleng pakikinig natin ang siyang maging pahinga na matagal nang hinihintay ng isang tao.
Hindi man natin kayang ayusin ang lahat, maaari nating iparamdam na hindi siya nag-iisa. At kung may isang bagay na sana’y maiwan sa ating isipan, ito iyon: hindi kailangang hintayin na may taong mawalan ng buhay upang magmalasakit. Ang pakikinig, pag-unawa, at pag-alalay ay isa sa mga hakbang upang maiwasan ang pagkawala ng buhay.
Kaya habang may pagkakataon pa, makinig tayo. Habang may oras pa, magmalasakit tayo. At habang may taong tahimik na nakikipaglaban, iparamdam nating hindi niya kailangang harapin ang mundo nang mag-isa.
Makinig ako. Makinig ka. Makiramdam tayo.
𝐖𝐫𝐢𝐭𝐭𝐞𝐧 𝐛𝐲: Claire Gayon Gerona
𝐏𝐮𝐛𝐦𝐚𝐭 𝐛𝐲: Rowena Benig