29/08/2025
NUJP Vs Cong R Gomez?
NUJP, UMALMA KAY GOMEZ
Pinuna ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) si Leyte 4th District Rep. Richard “Goma” Gomez matapos nitong akusahan ang ilang miyembro ng midya na umano’y bahagi ng isang “media spin” laban sa kanya.
Nagsimula ang usapin nang subukan ng mga mamamahayag na kunin ang panig ni Gomez kaugnay sa gumuhong flood control project sa Matag-ob, Leyte isang proyektong inuugnay rin sa kanyang pangalan.
Ngunit sa halip na sagutin ang isyu, nag-post ang kongresista sa Facebook nitong Agosto 28, 2025, kung saan iginiit niya na magkakapareho ang mga tanong na natanggap niya mula sa media, na aniya’y patunay na may “nagkukumpas” umano sa kanila.
Mas lalong ikinabahala ng grupo ang ginawa ng kongresista na isapubliko ang mga screenshot ng mensahe ng mga reporter, kalakip ang kanilang pangalan at contact number.
Ayon sa NUJP, maaari itong lumabag sa Data Privacy Act at naglantad sa mga mamamahayag sa banta ng harassment at fraud.
“We remind Gomez that media asking for his side on the matter actually favors him. The requests give him a chance to address allegations made by Matag-ob Mayor Bernie Tacoy, who has also criticized him for alleged lack of support during heavy flooding, and making them is part of journalists' jobs. If Gomez preferred to not speak about the issue, a simple 'no comment' or lack of response would have sent that message without imputing malice or exposing our colleagues' private information” giit ng NUJP.
Matatandaang una nang binatikos ni Matag-ob Mayor Bernie Tacoy si Gomez dahil umano sa kakulangan ng suporta ng kongresista sa kanyang bayan sa gitna ng matinding pagbaha.
Dagdag ng NUJP, ang pagbibintang ng “media spin” ay hindi nakatutulong para iwasan ang lehitimong isyu, at lalong hindi dapat gamitin upang ilihis ang usapan mula sa pananagutan ng isang halal na opisyal. I via Infinite Radio News Team