
20/07/2025
STEC-SHS, Namayagpag sa Public Schools Rescue Olympics 2025
Nag-uwi ng karangalan ang Science and Technology Education Center – Senior High School (STEC-SHS) matapos makamit ang ikalawang puwesto sa Disaster Risk Reduction (DRR) Quiz Bee kahapon, Hulyo 18, at ikatlong puwesto sa First Aid Relay ngayong araw, Hulyo 19, bilang bahagi ng Public Schools Rescue Olympics na ginanap sa Lapu-Lapu City Rescue/Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sa DRR Quiz Bee, pinatunayan nina Isaac Krissian C. Balansag ng 12-STEM Neuron at Ashkafel S. Cajuban ng 11-HUMSS Weber ang kanilang kahusayan sa mga katanungang umiikot sa kahandaan, pagtugon, at pagbawas sa panganib dulot ng mga kalamidad. Sa patnubay ng kanilang tagapagsanay na si G. Kenn Arsolon, nasungkit ng STEC-SHS ang ikalawang puwesto laban sa iba’t ibang pampublikong paaralan ng lungsod.
Samantala, ginanap ngayong araw ang Basic First Aid Relay kung saan pumangatlo ang koponan ng STEC-SHS. Binubuo ito ng mga piling Boy Scouts at Girl Scouts mula sa Grade 11 at 12 na sumabak sa mga simulated emergency response tasks. Sa pangunguna ng kanilang tagapagsanay na si G. Norwin Amistoso, matagumpay nilang naipamalas ang kanilang kahandaan at kaalaman sa paunang lunas.
Ang mga patimpalak ay isinagawa sa ilalim ng Public Schools Rescue Olympics, isang inisyatibong layong palalimin ang kaalaman ng kabataan sa disaster preparedness at community response. Bahagi rin ito ng paggunita sa National Disaster Resilience Month na may temang "Lokal na Tagatugon: Mga Bayaning Simbolo ng Katatagan at Dedikasyon sa Pampublikong Kaligtasan."
Sa mga tagumpay na ito, muling pinatunayan ng STEC-SHS ang mataas na antas ng kahandaan at pakikilahok ng kabataan sa pagtataguyod ng ligtas at matibay na komunidad.
Writer: Mig Anishi Zamora
Copyeditor: Rihanna Carmel Serato
Layout: Mariella Kaili Silla, Chloe Dominique Algarme
Photo Courtesy: Mr. Kenn Arsolon