
30/06/2025
BURNOUT - Sugarfree
Kwento ko lang, kasi parang naging theme song ito ng buhay ko noong college. Noong 2002, mayroon akong kaklase sa FEU Morayta. Hindi kami masyadong nagpapansinan sa klase, pero lagi kaming nagtitext at nag-uusap, gabi-gabi. Naka-SUN cell unlimited kami pareho, at pakiramdam ko'y napagkwentuhan na namin lahat ng dapat pagkwentuhan. Alam ko na ganun din siya sa akin.
Sa paglipas ng panahon, naramdaman kong mayroon na akong nararamdaman para sa kanya, at tila ba siya rin. Mula pag-gising hanggang pagtulog, magkatext kami. Ngunit sobrang torpe ko noon kaya hindi ko talaga siya kinakausap ng personal. Hanggang sa isang beses, nagkasabay kami kumain sa Jollibee. Tumabi siya sa akin, at ang tagal naming nag-usap.
Patapos na ang semester noon, at wala nang isang linggo ang natitira. Pero sa huling tatlong araw na iyon, kasabay ko siya kumain, kasama ko siya maghapon. Hiniram ko siya sa mga best friend niya na usually kasama niya, at hinatid ko din siya araw-araw sa bahay nila malapit sa Bambang. Yung tatlong araw na yun marahil ang pinakamasayang araw ng college life ko, dahil wala naman akong naging girlfriend dati. Hindi kami naging formally mag-on, pero parang ganun na nga.
Pagkatapos noong semester, umuwi ako ng probinsya, at medyo doon nagbago ang ihip ng hangin. Hanggang sa sumunod na school year, di na kami magkaklase, unti-unti di na kami nagkakausap. Tapos sa school, di na sabay ang pasok namin kaya bihira magkita. In short, nagkalamigan na. Pagkatapos noon, parang strangers na talaga ulit kami.
Hanggang sa before graduation namin, nagkasalubong kami sa SM Manila. Wala siyang kasama, at ako din mag-isa. Nagkalakas ako ng loob yayain siya kumain, at pumayag naman siya. Medyo confident na ako that time, pero wala na din naman akong nararamdaman. Nacu-curious lang ako, at tinanong ko siya kung bang niligawan ko siya noong 1st year kami, e sasagutin niya ako. Hindi niya sinagot ng rekta, pero eto ang sabi niya sa akin: "Hayaan na lang nating walang kasagutan yang tanong mo, basta masaya ako noon at siguro masaya ka din naman, yun ang mahalaga."
Lumipas ang mga taon, bumalik ulit siya sa isipan ko. Gusto ko siya makita, makausap, at ligawan sana. Medyo malakas na talaga loob ko dahil may work na ako at kotse. Sinusubukan ko tawagan ang number niya, pero wala nang sumasagot. Mahirap pang mang-stalk noon dahil wala pang Facebook, Friendster pa lang, tapos di pa masyado updated. Then, pinuntahan ko ang bahay nila sa Bambang, at andun ang nanay niya. Nagpanggap akong best friend niya na napadaan sa lugar kaya dumadalaw. Ang balita niya sa akin, nag-migrate na sa UK kasama ng asawa at may anak na. SYET! Yun lang po.