07/09/2026
๐๐๐๐๐๐๐๐๐โ๐๐๐๐๐๐ | Sagkaan ang Karahasan
Nakaalarma ang patuloy na paglaganap ng bullying sa mga paaralan, kung saan ang lugar na dapat sanaโy ligtas na kanlungan ng pagkatutoโy nagiging lugar ng pangamba para sa maraming estudyante. Ayon sa 2023 Global School-Based Health Survey (GSHS), halos 4 sa bawat 10 Pilipinong mag-aaral ang nakaranas ng bullying sa loob ng nakalipas na 12 buwan mas mataas kaysa sa pambansang layunin na mababa sa 25%. Higit pa rito, 34% a ng nagsabing binu-bully sila nang higit sa isang beses sa isang linggo. Sa bawat pangungutya, panlalait, pananakot, at pananakit, may kabataang unti-unting nawawalan ng tiwala sa sarili, gana sa pag-aaral, at pag-asa sa kanilang kinabukasan. Hindi ito simpleng biruan lamang sapagkat itoโy isang malalim na sugat na sumisira sa dignidad, pagkatuto, at pangarap ng bawat batang biktima.
Matatandaang isang 16-anyos na estudyante sa Tupi, South Cotabato, ang nahuling nagdadala ng 9mm G***k 17 pistol na may dalawang magazine at 32 bala patungo sa paaralan na umanoโy kanyang panangga laban sa mga nang-aapi sa kanya. Bagaman napigilan ang mas malalang trahedya, hindi natin ito maaaring ituring na isang hiwalay o pambihirang pangyayari dahil itoโy isang malakas na babala. Ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP), mula 2022 hanggang 2024, tumaas ng 18% ang bilang ng mga kaso ng armas na nadadala ng mga menor de edad sa loob ng paaralan at sa karamihan ng mga kaso, pang-aapi ang pangunahing dahilan na ibinibigay. Kapag ang isang batang inaasahan nating mag-aaral at mangarap ang napilitang humawak ng baril para lamang makapasok sa paaralan nang ligtas malinaw na may sistemang matagal nang nabibigo. Kapag nagiging tanging sagot ang dahas ng isang bata sa pang-aapi, ibig sabihin wala tayong sapat na proteksyon para sa kanila.
Hindi kailanman dapat maging normal ang bullying sa paaralan, at lalong hindi natin kailangang hintaying may masaktan nang lubusan o tuluyang masira ang kanyang pagkatao bago natin ito seryosohin nang buong-buo. Dapat na ligtas na tahanan ng pagkatuto at paglago ang mga paaralan, hindi lugar kung saan ang unang aral ng isang bataโy kailangang lumaban at magtanggol upang makapanatiling ligtas sa kanyang kapwa. Hindi sapat at hindi katanggap-tanggap ang pagtatago sa likod ng kataga na itoโy biro lang sapagkat ang tunay na biroโy hindi nag-iiwan ng takot, luha, pangamba, at mga sugat na minsaโy hindi na kailanman mapapawi.
Kung tutuusin, may malinaw nang sandigan ang mga paaralan upang sugpuin ang ganitong gawain. Sa ilalim ng Republic Act No. 10627 o Anti-Bullying Act of 2013, inaatasan ang mga paaralan na magpatupad ng mga patakaran laban sa bullying at gumawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga mag-aaral mula rito. Hindi dapat maging palamuti lamang ang batas sa mga handbook at bulletin board. Kailangang aktuwal itong ipatupad sa bawat silid-aralan at pasilyo, sapagkat walang kabuluhan ang batas kung nananatiling tahimik ang biktima at malaya namang nagpapatuloy ang nang-aapi.
Dagdag pa rito, hindi lamang Anti-Bullying Act of 2013 ang batas na kumikilala sa pangangailangang protektahan ang mga bata. Mismong Department of Education (DepEd) ay nagpatupad ng DepEd Order No. 40, s. 2012 o Child Protection Policy, na naglalayong tiyaking ligtas ang mga mag-aaral laban sa pang-aabuso, karahasan, pagsasamantala, at diskriminasyon. Ipinapakita lamang nito na matagal nang kinikilala ng pamahalaan at ng sektor ng edukasyon ang pangangailangang protektahan ang mga bata sa paaralan. Ngunit kung mayroon nang mga batas at polisiya, bakit patuloy pa ring may mga batang nakararanas ng bullying? Malinaw na ang problema ay hindi na lamang kakulangan sa mga patakaran kundi ang kanilang mahigpit at tuloy-tuloy na pagpapatupad. Hindi sapat na nakasulat ang proteksiyon sa papel; dapat itong maramdaman ng bawat mag-aaral sa loob ng paaralan.
Hindi rin dapat isantabi ang epekto ng bullying sa mental na kalagayan ng mga kabataan. Batay sa datos ng 2021 National Health and Nutrition Examination Survey (NHNES), na sinuri sa isang 2025 na pag-aaral na inilathala sa Global Mental Health, umabot sa 20.9% ang mga Pilipinong edad 15โ24 na nakaranas ng moderate-to-severe depressive symptoms noong 2021, mula sa 9.6% noong 2013. Ipinakikita nito na higit doble ang itinaas ng bilang ng kabataang nakararanas ng ganitong sintomas. Bagaman hindi maaaring sabihin na bullying lamang ang sanhi nito, malinaw na hindi dapat balewalain ang anumang karanasang maaaring makadagdag sa bigat na pasan ng isang kabataan.
Kayaโt hindi simpleng away ng mga bata na kusang mawawala habang lumilipas ang panahon ang bullying. Kapag pinabayaan, maaari itong mag-iwan ng takot at epekto sa isang batang dapat sanaโy abala sa pag-aaral at pagbuo ng pangarap. Dapat magsilbing paalala ang insidente sa Tupi na ang mga problemang nagsisimula sa pangungutyaโy maaaring humantong sa mas mapanganib na sitwasyon kapag hindi agad natutugunan. Hindi natin dapat hintaying may mangyaring mas malala bago kilalanin ang bigat ng problema.
Panahon nang idisiplina ang bawat kabataan sa bawat sulok ng paaralan. Palakasin ang pagpapatupad ng mga patakaran laban sa bullying, gawing mas ligtas at mas madaling lapitan ang guidance office, magsagawa ng regular na values formation at anti-bullying activities, at bigyan ng sapat na suporta ang mga g**ong humaharap sa ganitong insidente. Kasabay nito, dapat maging bahagi ng solusyon ang mga magulang at mag-aaral sa pamamagitan ng pagsasalita laban sa pang-aapi at pagprotekta sa mga biktima. Sapagkat ang disiplinaโy hindi lamang tungkol sa pagpaparusa sa nagkamali sapagkat itoโy tungkol sa paghubog ng isang paaralang marunong rumespeto, marunong makialam, at higit sa lahat, marunong protektahan ang bawat batang may pangarap.
Manunulat: Roneen Queen Ledesma
Taga-dibuho: Lyjt Asilo
Taga-anyo: Jeddrock Cutamora
I-follow ang Compostela NHS Press Org. para sa araw-araw at lingguhang paghahatid ng walang kinikilingang impormasyon!