01/12/2025
Sa kaharian ng mga ulap at hangin, sa kabundukan ng Cordon, Isabela, namumuhay ang marangal na pangkat ng mga Ifugao. Sa pagsikat ng araw, sabay-sabay nilang hinawakan ang lupa—lupang minahal at ipinasa ng kanilang mga ninuno. Dito nila itinanim ang palay, habang ang bawat hampas ng araro ay nagiging himig ng tradisyon, lakas, at pagkakaisa ng kanilang tribu.
Pagkatapos ng trabaho, bumaba sila sa ilog upang pawiin ang pagod. Ngunit pagsapit ng hapon, habang nangangaso sa sagradong gubat, hindi nila sinasadyang magambala ang Nuno sa Punso. Biglang nanghina si Lakay Doming, naannungan. Mabilis silang naghanda ng alay—moma, sigarilyo, alak, at manok—at sabay-sabay na nagdasal ng paghingi ng paumanhin, ipinakikita ang malalim na paggalang sa espiritu at kalikasan.
At nang bumalik ang lakas ni Lakay Doming, nagpasalamat ang buong pangkat. Sa sandaling iyon, muli nilang napatunayan na sa Cordon, ang lupa, ilog, at gubat ay hindi lamang pinagkukunan ng buhay, kundi tahanan ng mga espiritung dapat igalang. Sapagkat para sa tribong Ifugao, ang paggalang ang kanilang dangal, ang kalikasan ang kanilang kaagapay, at ang pagkakaisa ang kanilang tunay na lakas.