14/10/2025
BARMM, nananatiling may pinakamababang inflation sa bansa sa loob ng anim na buwan
NANANATILI ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao bilang rehiyong may pinakamababang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa matapos magtala ng -1.5% deflation nitong September 2025, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority o PSA noong October 20.
Bahagyang bumaba ang bilang mula sa -1.3% noong Agosto, na lalong nagpapatibay sa deflationary trend ng rehiyon simula pa noong Abril.
Sa kabuuan ng bansa, tumaas naman sa 1.7% ang inflation mula 1.5% noong nakaraang buwan.
Ayon kay Edward Donald Eloja, hepe ng Statistical Operation and Coordination Division ng PSA-BARMM, pangunahing dahilan ng pagbaba ng presyo sa rehiyon ang pagmura ng pagkain, inumin, at serbisyo sa kainan at tuluyan. Kabilang sa mga produktong may pinakamalaking pagbaba sa presyo ay bigas, LPG, kuryente, kamatis, at asukal.
Dagdag pa ni Eloja, bahagyang bumaba rin ang presyo ng mga kagamitan sa bahay, komunikasyon, at libangan, habang bahagyang tumaas naman ang sa damit, kalusugan, transportasyon, at pabahay. Nanatiling mataas ang presyo ng alak, tabako, education, at financial services.
Ayon naman kay Camelia De Vera-Dacanay ng Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA), positibong senyales ito para sa mga mamimili.
Aniya, kapaki-pakinabang ang deflation dahil mas lumalakas ang kakayahang bumili ng mga Bangsamoro.
Dagdag niya, nagsisilbi ring ‘economic pulse’ ang ulat sa inflation upang gabayan ang mga mamimili at negosyante sa kanilang desisyon sa paggastos at pamumuhunan.
Sa mga lalawigan ng BARMM, Basilan ang nagtala ng pinakamababa na deflation na umabot sa -3.1%, sinundan ng Maguindanao (-2.8%) at Tawi-Tawi (-1.6%).
Sa Lanao del Sur, naitala ang pinakamababa na deflation sa -0.4%. Samantala, bumagal sa -2.3% mula -3.4% ang deflation sa Cotabato City.