19/07/2026
Anong gusto mo sa gulay? Ako? Gusto ko 'yong sasamahan ako habang-buhay.
Nakakakilig pakinggan.
Pero paano kung sabihin kong may mga kuwento ng pag-ibig na hindi lang "forever" sa caption, kundi napatunayan na ng panahon?
May mga mag-asawang limampung taon nang magkahawak-kamay. May animnapu. May higit pa. Hindi dahil wala silang pinag-awayan. Hindi dahil perpekto ang relasyon. Kundi dahil araw-araw, pareho nilang pinipiling alagaan ang isa't isa.
At kasama roon ang pag-aalaga sa sarili. Oo, pati sa simpleng pagkain ng gulay.
Mukhang maliit na bagay. Pero isipin mo.
Kapag mas malusog ang katawan, mas marami kang umagang gigising na magkasabay pa rin kayong magkakape. Mas marami pang hapunang sabay ninyong pagsasaluhan. Mas marami pang "kumain ka na ba?" na maririnig. Mas marami pang pagkakataong tumawa sa mga lumang kuwento na paulit-ulit ninyo pa ring ikinukuwento.
Baka kaya hindi lang buhay ang pinahahaba ng gulay. Pati ang oras na inilalagi mo kasama ang mga taong pinakamahalaga sa'yo.
Sa iba't ibang bahagi ng mundo, maraming centenarians o mga taong lampas isandaang taong gulang ang nagbabahagi ng halos magkakaparehong lifestyle. Mas maraming gulay, prutas, whole grains, at mas kaunting processed food. Hindi ito garantiya ng mahabang buhay o panghabambuhay na relasyon, pero isa itong paalala na ang maliliit na healthy choices ngayon ay puwedeng magbigay ng mas maraming bukas.
Baka ganoon din ang pag-ibig.
Hindi ito nabubuo sa malalaking sorpresa araw-araw. Minsan, nagsisimula lang ito sa simpleng tanong na,
"Kumain ka na ba?"
Ngayong Hulyo, kasabay ng pagdiriwang ng Nutrition Month, magandang paalala na ang pagkain ng masustansyang pagkain, lalo na ng gulay at prutas, ay hindi lang tungkol sa pagdagdag ng taon sa buhay. Tungkol din ito sa pagdagdag ng mga pagkakataong makasama ang pamilya.
Mas maraming birthday na sabay ninyong ipagdiriwang. Mas maraming reunion na kumpleto. Mas maraming yakap. Mas maraming tawanan sa hapagkainan. At mas maraming kuwentong masasabi ninyong,
"Naalala mo pa ba noong..."
Kaya sa susunod na may magtanong sa'yo,
"Anong gusto mo sa gulay?"
Ngitian mo lang. Sabihin mo,
"'Yung nagbibigay sa'kin ng mas maraming pagkakataong makasama ang taong gusto kong makasama panghabangbuhay."
โ๏ธ Alysa Gale Yao
๐ผ Jhesterkeir Ramiscal