23/07/2025
𝐊𝐎𝐋𝐔𝐌 | SA KABILA MASAYA, SA KABILA TRAHEDYA
by Ashley Lariego
"Sign of maturity: Hindi ka na natutuwa at excited sa class suspensions." Totoo ba?!
Buwan ng Hulyo madalas nagsisimula ang "typhoon season" kung tawagin, kaya't sunod-sunod na naman ang ulan at paglabas-masok ng bagyo sa bansa. Kasabay din nito ang sunod-sunod na pagsuspinde ng mga klase. Eh, sino ba naman ang gugustuhin pumasok? Kung tuloy tuloy ang pagbuhos ng ulan, kaya panigurado rin na may mga lugar na magbabaha. Kung kaya't kabi-kabila rin ang nasisilip kong mga post at komento na ating ibinabahagi kay Mayor para isuspinde na ang pasok sa iba't-ibang antas ng paaralan.
May mga nababasa akong "Mayor, suspend mo na!" meron ding "Mayor, ano na? Kanina pa ako basang-basa dito oh!" Mayroon ding mga estudyanteng humihiling na "Sana lumakas ang ulan." "Sana bumagyo, para walang pasok!" "Tumagal pa sana ulan para buong week suspended!" Iyan naman ang gusto kong punahin. Bakit may mga tao na tila mas gugustuhin pa ang magkaroon ng kalamidad para lamang masuspinde ang klase?
Kung sa bagay, hindi ko rin naman masisisi ang mga estudyanteng tulad ko. Lalo na't dito lamang nagkakaroon ng karagdagang oras upang makapagpahinga, matapos ang gawain, makapag-review, at higit sa lahat mabawasan ang pressure na nararanasan sa akademiko. Pero nang dahil sa aking pagmumuni, napaisip ako, sapat na ba itong rason para hilingin na makaranas tayo ng kalamidad? Ang kahilingan sa pagkakaroon ng karagdagang oras upang makapagpahinga at mabawasan ang pasaning pang-akademiko ay hindi masamang bagay, lagi ko rin itong hinihiling sa totoo lang. Ngunit ibang usapan naman na ang paghiling sa kalamidad na mararanasan ng lahat para lang sa suspension, biro man ito kung sasabihin— ika nga nila "Jokes are half-meant."
Dahil kung tutuusin, hindi lahat ay may pribilehiyo na matuwa, gawing biro at magsaya sa tuwing lumalakas at bumabagsak ang buhos ng ulan. Hindi lahat ay mayroong komportable at maayos na tirahan, masalimuot mang isipin ngunit ito ang katotohanan, hindi lahat ay may tahanan na masisilungan. Para sa mga tulad kong may pribilehiyo, ito ay pahinga, ngunit huwag na huwag din sanang kalimutan na para sa iba ito ay peligro at pangamba. Pare-parehas man nating nararanasan ang bagsik na dulot ng ulan, ngunit iba-iba naman ang epekto nito sa ating kapakanan, sana’y maging leksyon ito.
Isa lang naman ang nais kong ipahatid sa sulating ito, hindi lahat ay ligtas sa kalamidad. Hindi lahat ay kayang magbiro at hilinging magkaroon ng malakas na ulan, bagyo, at pagbaha sa kanilang lugar para lang masuspinde ang klase. Kailangan talaga mas maging malawak ang isipan ng lahat patungkol sa mga post at komento na kanilang ibinabahagi. Hindi naman masamang magbiro, pero sana alamin ang limitasyon, dapat maging sensitibo at makiramdam tayo sa kung ano ang kalagayan at nararanasan ng iba, unawain natin sila. Hindi ito biro, sana ay ligtas ang lahat, 'di ba?
Graphics: Jharren Madriguera