26/08/2026
DPWH, 32% pa lang ng 2026 projects ang awarded
Aminado ang DPWH na malaki ang delay sa bidding ng kanilang 2026 projects, kung saan 32% pa lamang ng kabuuang project allocation ang na-award.
Sa budget hearing, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na may mahigit 17,000 national projects ang ahensya na nagkakahalaga ng ₱459.89 billion.
Sa ngayon, 15,031 projects o 76% na ang na-advertise o nabuksan para sa bidding. Pero 7,467 projects lamang, na nagkakahalaga ng ₱146.41 billion, ang na-award na.
Tatlo umano ang pangunahing dahilan ng delay:
🔹 Hindi nakapagsagawa ng early procurement
🔹 Mas mahigpit na requirements matapos ang flood control scandal
🔹 Late release ng Special Allotment Release Orders (SAROs)
Ayon kay Dizon, malaki ang naging pagbabago sa proposed 2026 budget kumpara sa final General Appropriations Act, kaya halos buong capital outlay budget ng DPWH ay napasailalim sa “for later release.” Noong Mayo at Hunyo lamang nailabas ang mga SARO, kaya saka pa lamang nakapagsimula ang bidding.
Mas mahigpit na rin ngayon ang requirements, kabilang ang approved program of work, geotagged photos, certificate of implementability at master plan o feasibility study.
📌 Sa kabila nito, kumpiyansa si Dizon na mahigit 80% ng mga proyekto ay maa-award na pagsapit ng katapusan ng Setyembre.
📉 Bawas din ang bilang ng projects
Mula sa 25,301 projects noong 2025, bumaba ito sa 17,861 ngayong 2026. Para sa 2027, 11,395 projects na lamang ang iminungkahi.
Layunin ng DPWH na alisin ang duplicate at overlapping projects, mag-focus sa mas malalaking proyekto, at maiwasan ang sobrang dami ng projects na hindi kayang maipatupad nang maayos ng mga district at regional offices.