13/05/2026
๐๐๐๐๐๐๐ | ๐ ๐๐ ๐๐ท๐ผ๐ฟ ๐ฆ๐๐ฏ๐ท๐ฒ๐ฐ๐๐
โEme!โ
โMema!โ
Iyan ang madalas tugon ng mga kabataan sa mga memes na tila ba walang saysay o walang katumbas na reaksyon. Iyan ngayon ang turing ng pamahalaan sa General Education; walang puwang na ituro sa mga walang muwang. Bakas ang kibit-balikat nilang paninindigan sa pagitan ng kahalagan ng edukasyong hinuhubog ang pag-unawa ng karamihan.
Sa panahong nagkukumahog ang lahat sa pagitan ng dilemang praktikalidad o pangarap, unti-unti ring nawawalan ng pagiging makatao ang institusyong inaasahang magtataguyod ng mga disiplinang minsan nang nagsilbing haligi ng ating pagkatao.
Plato. Da Vinci. Shakespeare. Mga pangalang pamilyar, hindi ba?
Ngunit sa pagdaan ng panahon, tila unti-unti na lamang silang magiging nakatiklop na pahinaโinaanay at nakahanay sa estante ng mga silid-aklatang hindi na binibisita. Kasabay ng unti-unting pagbalewala sa pilosopiya, sining, panitikan, at iba pang larangang hindi kayang tumbasan ng agarang sahod ngunit matagal nang humuhubog sa pag-iisip ng sangkatauhan.
Sa pananaw ng ilan, praktikal ang pagbabawas ng General Education subjects. Mas kaunting units, mas maagang makapagtatrabaho ang estudyante. Ngunit nakapagtataka kung bakit sa tuwing pinag-uusapan ang โpagpapagaanโ ng edukasyon, humanities ang unang minamata at tinatangkang tapyasin ang pagkakakilanlan.
Tila ba kailangang paulit-ulit patunayan ng sining, panitikan, at pilosopiya ang kanilang halaga sa isang lipunang mas kinikindatan ang kursong may direktang sahod kaysa kursong may direktang saysay.
Ngunit hindi baโt sa humanities nagsimula ang lahat? Sa kasaysayan tayo natututong maningil. Sa panitikan tayo natututong makiramdam. Sa pilosopiya tayo natututong magsuri. At sa sining tayo natututong magpahayag ng hindi kayang sambitin ng bibig.
Kapag binawasan natin ang espasyo para sa mga asignaturang ito, hindi lamang units ang nawawalaโunti-unti ring iniluluwa ang kaluluwa ng mag-aaral.
Dahil ang pagwari, ang pagbibigay-kahulugan, at ang kumpas ng mga daliring lumilikha ng obrang yari sa laman at karanasan ay hindi kailanman dapat pagkaitan ng karapatang suriin, paglaanan ng oras, at aralin ng bayang minsang pinagsilbihan ng mga ito.
Ang kolehiyo ay hindi lamang dapat humuhubog ng mga manggagawang lunod sa propesyonalismo at nakatuon sa agarang pangangailangan na bilang at kalkulado. Hindi sapat na mahusay lamang tayong sumunod, magpasa ng requirements, at maging produktibo. Sapagkat ang edukasyon ay hindi dapat nakasentro lamang sa paggawa ng empleyado. Dapat itong humuhubog ng taoโna may damdamin, may asal, at may paninidigan.
At hindi ito laban sa pagitan ng Sining at Pilosopiya kontra Agham at Sipnayan. Hindi ito tunggalian ng emosyon at lohika. Ang tunay na usapin ay kung paano sila dapat magtagpo bilang parehong pangangailangan ng sangkatauhan. Hindi dapat naglalamangan ang mga disiplinang ito, kung hindi balanseng tinuturing bilang parehong may ambag sa kasalukuyang pagsulong ng lipunan.
Nakapanlulumong isipin na unti-unti nang mas pinahahalagahan ng mga paaralan ang curriculum vitae kaysa pagkatao. Na tila ang sukatan ng matagumpay na edukasyon ay kung gaano kabilis maipasok ang estudyante sa industriya, at hindi kung gaano siya kahusay mag-isip, makiramdam, at maging makatao.
Ang pagkakanulo sa Humanities ay maaaring hindi agad maningil ngayon, ngunit darating ang panahong sisingilin tayo nitoโsa mundong puno ng mga taong plantsado ang uniporme ngunit hungkag ang pagkakakilanlan; mahusay magtrabaho ngunit hirap makiramdam; marunong sumunod ngunit hindi marunong magtanong.
Gaya ng palay sa bukirin, mas lalo itong yumuyuko habang mas marami itong laman. Ang mga uhay na hitik sa butil ay hindi nagmamadaling tumindig nang mataas; sa halip, marahan silang nakayuko, tila ba ang mga baong kaalaman na hindi maingay ngunit ramdam ang bigat. Samantalang ang mga payak o hungkag ay madalas nakatayo nang matuwid, tila walang dinadalang bigat na dapat magpababa sa kanila.
Ang edukasyon ay dapat tulad ng palay na hitikโmarunong yumuko hindi dahil nahihiya o mahina, kundi dahil puno. Ngunit sa kasalukuyan, tila mas pinapaboran ang pagtindig nang tuwid: tuwid sa propesyon, tuwid sa kita, tuwid sa praktikalidadโkahit pa itoโy nangangahulugang unti-unting pagnipis ng laman ng pag-iisip at pagkalimot sa lalim ng pag-unawa.
Sa huli, ang tunay na โmemaโ ay hindi ang Humanities.
Kundi ang sistemang naniniwalang walang halaga ang pag-iisip hanggaโt hindi ito kumikita.
| ๐๐ข๐ณ๐บ ๐๐ฏ๐ฏ ๐๐ช๐ญ๐ญ๐ข๐ฎ๐ฐ๐ฏ๐ต๐ฆ
๐๐จ๐ช๐ฏ๐ถ๐ฉ๐ช๐ต ๐ฏ๐ช ๐๐ข๐ญ๐ช๐บ๐ข๐ฉ ๐๐ช๐ฏ๐ด๐ญ๐ฆ๐บ ๐๐ฆ๐จ๐ข๐ญ๐ข๐ฅ๐ฐ