09/07/2025
"Salain Mo ang Salita Mo—Hindi Lahat ng Totoo, Kailangang Sabihin!"
Sa mundong puno ng opinyon at mabilisang paglalabas ng saloobin, mahalagang pag-isipan nating mabuti ang bawat salitang lumalabas sa ating bibig. Totoo nga na ang katotohanan ay mahalaga, ngunit hindi lahat ng totoo ay kailangang sabihin, lalo na kung ito'y makakasakit, makakasira, o makagugulo lamang sa kapayapaan ng iba. Kaya’t may saysay ang kasabihang, “Salain mo ang salita mo—hindi lahat ng totoo, kailangang sabihin!”
Ang pagsasabi ng totoo ay isang birtud, isang tungkulin ng isang taong may dangal. Ngunit sa likod ng birtud na ito ay isang responsibilidad: ang paggamit ng karunungan sa tamang pagkakataon at tamang paraan. Hindi ba’t kahit ang mga doktor ay hindi agad binubulaga ang pasyente ng buong detalye ng sakit, kundi dahan-dahang ipinapaliwanag ayon sa kayang tanggapin ng damdamin at isipan ng tao?
Kung minsan, ginagamit ang katotohanan bilang sandata. Sa halip na makapagpagaling, ito’y nagiging bala na tumatama sa puso ng kapwa. Ang paninira sa kapwa sa ngalan ng pagiging “totoo lang” ay hindi katapangan—ito’y kawalan ng malasakit. Oo, totoo nga marahil na may kapintasan ang isang tao, pero ang paglalantad nito sa madla kung wala namang saysay kundi ang manghiya o manira, ay hindi karunungan kundi kawalang-galang.
Sa Bibliya, itinuturo sa atin ang kahalagahan ng "truth in love." Ang pagiging matapat ay hindi kailangang hiwalay sa pagiging mahabagin. Sabi sa Efeso 4:15, “Sahalip, sa pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo ay lalago sa lahat ng bagay kay Cristo...” Ibig sabihin, may paraan ng pagsasabi ng totoo na hindi makakasakit kundi makakapagpapalubag ng loob.
Bilang mga Kristiyano, tinatawag tayong maging ilaw at asin sa mundo—hindi matalas na espada na walang habas kung sumibat. Ang ating mga salita ay dapat may taglay na pagninilay, pagpapakumbaba, at panalangin. Tanungin natin ang sarili: “Makakatulong ba ang sasabihin ko? May saysay ba ito sa ikabubuti ng nakararami? Kung ako kaya ang sabihan nito, paano ko ito tatanggapin?”
Kaya’t sa huli, bago tayo magsalita, salain natin ito:
T – Totoo ba ito?
U – Uukol ba sa tamang oras at tao?
L – Likas ba sa pag-ibig at kabutihan?
A – Aangat ba ang pagkatao ng kausap ko?
D – Dapat ko ba talaga itong sabihin ngayon?
Ang pananalita ay may kapangyarihan. Gamitin natin ito upang magpagaling, magbigay-linaw, at maghatid ng pag-asa. Dahil sa mundong puno ng ingay, ang taong marunong manahimik at magsalita ng may karunungan ay tila isang ilaw sa dilim.
Kaya salain mo ang salita mo para maiwasang makasakit ng damdamin ng tao.