
24/08/2025
| LATHALAIN
Buwan ng Wika 2025: Pista ng Pagkakakilanlan sa NU Dasmariñas
Sa tuwing sasapit ang buwan ng Agosto, nakatatak na sa ating mga Pilipino ang pagdiriwang ng buwan ng wika. Kakabit na nito ang kaliwa’t kanang mga kaganapan alinsunod sa pagbibigay-pugay at pag-alala sa kayamanang mayroon tayo; ang ating sariling wika.
Bilang pakikiisa sa taunang kapistahan ng wika, idinaos ng NU Dasmariñas ang PAMANA 2025 na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa” noong ika-20 ng Agosto. Pinangunahan ito ng General Education Faculty kasama ng mga makukulay at nakakamanghang pagtatanghal mula sa mga mag-aaral sa iba’t ibang programa.
Ang makulay na enerhiya at puso para sa ating kultura at sining ay dumaloy nang malaya mula sa isang kaluluwa patungo sa nakararami. Ang pagtapik nito ay banaag at nag-iwan ng markang ‘di malilimutan.
Ang Bulwagan
Pinagbigkis muli ng ating napakayamang kultura ang ating mga layunin. Muli tayong inaanyayahan sa bulwagan hindi lang upang maging ordinaryong manonood—ngunit bilang isang tagapagmana. Ipinatawag tayo para muling panghawakan ang titulo ng ating pagkakakilanlan. Hindi matutumbasan ng papel ang ating karapatan—ito ay nananalaytay sa ating mga dugo; wala itong hinihinging pambayad-utang sapagkat hindi na tayo alipin ng ibang pangngalan—mayroon tayong sariling atin; at ito ay mapagpalaya.
Ito ang ipinakitang katapangan ng mga mag-aaral ng NU Dasmariñas mula sa kanilang mga likhang tula, awitin, sayaw, at obra. Ipinamalas nila ang kanilang karapatan at kakayahan bilang tagapagmana ng ating mayamang kultura. Ang apoy sa bulwagan ay muling nagliyab nang buksan ang entablado para sa mga pangkultural na pagtatanghal na pinangunahan ng “Dagyaw Cultural Performing Arts” at sinundan naman ng mga nakabibighaning awit mula sa “Koro Kamara”.
Ipinagpatuloy ang kapistahan sa bulwagan sa pamamagitan ng mga patimpalak na siya ring magiliw na dinaluhan ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Sa taong ito, may mga bagong kampeon ang hinirang para sa Tanghal Tula at Himig Likha na kapwa nagpakitang gilas, galing, at talino.
Ang Tanghalan
Sapagkat sa bawat pagbibigkis ng kaluluwa sa panimula ng bulwagan, lahat ng ito ay hinihila patungo sa puso ng gabi—ang tanghalan. Ito ang lugar kung saan malaya tayong maging. Ang pagiging isang ganap na karakter mula sa mga sarili nating imahinasyon—kapwa isang panaginip at bangungot. Ang entablado ng tanghalan ay ang nagsisilbing kanlungan ng mga pangarap. Kaya, matapos ang mahabang pamamahinga; muling nagbukas ang pinilakang-tabing sa pangunguna ng Dulaang Nationalian at naghandog para sa atin ng isang makasaysayang dula.
Mula sa direksyon ni Miquella Castro (Direktor at Pangulo ng Dulaang Nationalian) at panulat ni Mary Beatriz Camat; binigyang buhay nila ang kuwento ni Nene, isang probinsyanang napadpad sa Maynila bitbit-bitbit ang pagkakakilanlan na unti-unti nang kumukupas dahil sa mabilis na pag-inog ng mundo. Para kay Castro, inilarawan niya ang dula na ito bilang isang paalala sa bawat isa at sa mga susunod na henerasyon na ang wika ay mahalagang bahagi ng ating pagkakakilanlan na hindi dapat ikahiya bagkus nararapat na ipagmalaki.
Ayon din kay Castro, “Hindi kailangan maging maingay para marinig. Minsan, sapat na ang katotohanan sa puso mo para magising ang iba.”
Isa rin sa mga naging kasangkapan ng tagumpay ng dulang ito ay ang nakamamanghang pagbibigay-buhay ni Princess Kaye Iglesia, isang miyembro at aktres mula Dulaang Nationalian, sa karakter ni Inang.
Ayon kay Iglesia, “Bilang isang aktor, isinapuso ko lang ang karakter ni Inang, hindi ko nga alam kung papaano ko siya ipo-portray at first pero ayun, dahil na rin sa pagtitiwala sa akin ng mga tao sa Dulaan, nabigyang-buhay ko naman ang karakter ni Inang.”
Para sa mga taong bumubuo at nagsisilbing ilaw at haligi ng tanghalan—iisa lang ang kanilang layunin, ito ay ang pagtibayin at buhayin muli ang nangamatay nitong kulay at himig. Inaasahan nila ang mainit na pagtanggap at pagsama natin sa kanilang mga susunod pang paglalakbay.
Hindi matatapos sa buwan ng Agosto ang kapistahan, ito ay panghabambuhay na pagdiriwang. Naisin ng mga ganitong uri ng pag-alala na maging kasangkapan natin ang pamana sa atin ng mayaman nating kultura at sining sa pang-araw-araw nating pakikibaka sa unos ng buhay. Itinatatak nito sa ating mga kaluluwa ang pag-asa para sa hinaharap—maging tanglaw nawa ang diwa nito sa ating mga landas, mula ngayon hanggang sa mga susunod pang kapistahan.
Sa panulat ni: Lorelie Albaran
Mga larawan nina: Jeth Umali at Louis Luces