22/08/2026
๐๐๐๐๐ | ๐ฝ๐๐จ๐ช๐ง๐ ๐ฃ๐ ๐๐๐, ๐๐ง๐ค๐๐ก๐๐ข๐ ๐ฃ๐ ๐๐ค๐ข๐ช๐ฃ๐๐๐๐
Noong taong 2019, nagsimula ang Local Government Unit (LGU) ng Subic, Zambales sa pagtatayo ng isang pansamantalang dump site sa isang lugar na itinuturing nilang hiwalay at malayo sa mga pamayanan. Layunin nitong magsilbing pansamantalang solusyon sa patuloy na pagdami ng basura dulot ng krisis sa pangangasiwa nito, na lalo pang pinalala ng pag-usbong ng medical waste dulot ng pandemya ng COVID-19.
Ngunit ang napiling lugar ng LGU ay hindi lamang isang bakanteng lupain o gubat. Bahagi ito ng mahalagang ancestral land ng mga katutubong Aeta sa Sitio Tibag, Subic, Zambales. Dito sa lupain nila nakasalalay ang kanilang pangkabuhayan, pamumuhay, at ang kinatatayuan ng kanilang komunidad.
Nang maitayo ang dump site sa lugar, tuloy-tuloy ang naging trahedyang dala nito sa pamumuhay ng mga Aeta na naninirahan doon. Ang payak at payapang pamumuhay ng mga katutubo, malayo sa karangyaan, ay unti-unting nawasak sa pagdating ng dambuhalang bunton ng basura. Dumami ang mga langaw, kumalat ang mabahong amoy, nasira ang mayabong na kapaligiran, at higit sa lahat, kumalat ang dalang kemikal ng mga naipong basura sa lupain at kapaligiran.
Ayon sa mga katutubong Aeta, sinabihan silang pansamantalang solusyon lamang ang paggawa ng dump site sa kanilang lupain at gagawa ng paraan ang LGU upang hindi kumalat ang mga nakalalasong kemikal ng mga basura sa lupa. Ngunit ang mga pangakong ito ay hindi natuloy at ang operasyong pagtapon ng basura sa lugar ay nagtagal ng anim na taon.
Nang sumapit ang taong 2025, pormal nang nagreklamo ang mga katutubong Aeta sa DENR at sa LGU ng Subic upang patigilin ang operasyon ng pagbabasura sa kanilang lupain. Ayon sa kanilang hinaing, patuloy na kumakalat ang mga basurang itinapon sa lugar na nagdudulot ng polusyon sa pinagkukuhanan nila ng tubig-tabang at sa mga lupaing kanilang tinataniman ng mga puno ng saging na nagsisilbing kanilang pangkabuhayan. Inutusan ng DENR ang LGU ng Subic na tanggalin ang mga basura dito, ngunit ayon sa kanila, hindi nila kayang tanggalin ang mga basura dahil sa kakulangan ng budget para dito. At hanggang ngayon, ang mga basurang idinala sa lupain ng mga katutubo ay naroon pa rin, patuloy na sumasagabal sa kanilang pamumuhay.
Hindi lamang basura ang naiwan sa lupain ng mga katutubong Aeta kundi dala rin nito ang bakas ng nasirang kalikasan, kabuhayan, at tirahang matagal na nilang inaalagaan. At habang patuloy ang pagharap ng mga katutubo sa suliraning dinala sa kanila, humarap muli ang Subic sa isa pang usapin kaugnay nito: ito ang pagpasok ng mga ilegal na shipment ng basura na nagmula pa sa ibang bansa.
Ang Basel Action Network (BAN), kasama ang Environmental Task Force Against Illegal E-Waste Imports to the Philippines (END E-Waste Imports) at iba pang mga lokal na environmental groups sa bansa, ay nakapag-track ng illegal shipment ng mga hinihinalang hazardous electronic at plastic waste mula sa United States (U.S.) patungo sa Subic Freeport Zone. Ayon sa imbestigasyon ng BAN, humigit-kumulang 234 container ng cargo na naglalaman ng E-Waste mula sa Estados Unidos ang nakarating sa Subic Port mula Marso 2025.
Sa mga naiulat na shipment ng E-Waste, nagsimula nang kumilos ang mga awtoridad upang pigilan ang pagpasok ng mga hinihinalang hazardous waste sa bansa. Noong Hulyo 2026 lamang, iniutos ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na manatili sa barko ang iba pang mga container na pinaghihinalaang naglalaman ng E-Waste.
Gayunpaman, habang may mga hakbang nang ginagawa upang pigilan ang pagpasok ng mga hinihinalang hazardous waste, nananatili ang mas malawak na tanong na dapat masagot: Paano matitiyak ng mga kaukulang gobyerno na ang mga basurang pumapasok sa bansa at nanggaling sa bansa ay maayos na masusuri, mapapangasiwaan, at hindi magdudulot ng panganib sa kalikasan at sa mga komunidad?
Ang mga isyu patungkol sa pangangasiwa sa basura ay hindi lamang problema ng isang komunidad o ng isang lokal na pamahalaan, kundi ng isang bansa. Mula sa mga basurang naiwan sa ancestral land ng mga katutubong Aeta, patungo sa mga basurang ipinadala mula sa ibang bansa, ipinapakita ng mga sitwasyong ito na ang wastong pangangasiwa ng basura ay nararapat na pagtuunan ng pansin upang mapangalagaan ang kalikasan at ang mga komunidad na patuloy na umaasa sa mga ito. Sa panahon ngayon, hindi na sapat ang pagbibigay-pansin lamang sa mga isyu patungkol dito, kailangan na ng agarang pagkilos at konkretong solusyon bago pa tuluyang masira ang mga kalikasang bumubuo sa ating mga komunidad.
โโโโโโโโโ
Dinisenyo ni: Vincent Desbarro
Isinulat ni: Marielle Antoinette Montaรฑo
๐ ๐ฎ๐ธ๐ถ๐ฏ๐ฎ๐ต๐ฎ๐ด๐ถ ๐๐ฎ ๐ง๐ต๐ฒ ๐๐ฎ๐ญ๐๐๐๐น๐ถ๐ฎ๐ป ๐๐
๐ฝ๐ผ๐๐ฒฬ ๐ต๐ฎ๐ฏ๐ฎ๐ป๐ด ๐๐ฎ๐บ๐ฎ-๐๐ฎ๐บ๐ฎ ๐ป๐ฎ๐๐ถ๐ป๐ด ๐ฝ๐ถ๐ป๐ฎ๐น๐ฎ๐น๐ฎ๐ธ๐ฎ๐ ๐ฎ๐ป๐ด ๐๐ถ๐ป๐ถ๐ด ๐ป๐ด ๐บ๐ด๐ฎ ๐บ๐ฎ๐ด-๐ฎ๐ฎ๐ฟ๐ฎ๐น ๐ฎ๐ ๐ถ๐๐ถ๐ป๐ฎ๐๐ฎ๐ด๐๐๐ผ๐ฑ ๐ฎ๐ป๐ด ๐บ๐ด๐ฎ ๐ฝ๐ฎ๐ด๐ฝ๐ฎ๐ฝ๐ฎ๐ต๐ฎ๐น๐ฎ๐ด๐ฎ ๐๐ฎ ๐ธ๐ฎ๐๐ผ๐๐ผ๐ต๐ฎ๐ป๐ฎ๐ป, ๐ฝ๐ฎ๐ด๐ธ๐ถ๐น๐ผ๐, ๐ฎ๐ ๐ธ๐ฎ๐๐ฎ๐ฝ๐ฎ๐๐ฎ๐ป.
Manatiling konektado at laging napapanahon sa pamamagitan ng aming mga opisyal na pahina:
FB: The LaZEALlian Exposรฉ
IG: thezealexpo