
28/07/2025
𝐋𝐈𝐓𝐄𝐑𝐀𝐑𝐘 | Paglisan sa Tahanan
Muli akong tumapak sa una kong tahanan. Unang lugar na nakasaksi ng mga hirap at tagumpay, unang lugar na nagmulat sa akin sa mundong aking ginagalawan. Bicol—ang aking tahanan na humubog sa akin.
Matagal na mula noong huli kong balik at marami ang nagbago. Mga establisyemento na ngayon ko lamang nakita at mga hindi pamilyar na tao. Ngunit sa lahat, isa lamang ang nanatili: ang mga alaalang sana’y dito ko nabuo, ang pangarap na sana rito ko tinupad.
Isang mahigpit na yakap ang sumalubong sa akin. “Na-miss kita nang sobra! Welcome back!” ani ng pinsan ko.
“Na-miss din kita! Kumusta na?”
“Maayos naman. Still the Charrie you left,” malungkot n’yang saad.
“Bakit? Pagod na ba ang future engineer na ‘yan?” naguguluhan kong tanong sa kaniya.
“Huh? Hindi engineering ang kinuha ko. Tourism—baka future flight attendant mo ako,” natatawa niyang saad.
Lumipas na ang tatlong araw, ngunit ang sinabi ng matalik kong kaibigan na pinsan ko rin ay narito pa rin sa aking isipan. Hindi ba’t pagiging inhinyero ang nais niya? Paano siya nauwi sa kursong hindi naman niya talaga gusto? Nais ko pa sanang itanong sa kaniya ang bagay na iyon, pero baka hindi ko kayanin na marinig na nahihirapan na siya.
Isang mensahe ang natanggap ko mula kay Charrie. Inaaya niya akong maglakad-lakad sa dalampasigan, mag-bonding daw kami bago ako umalis kinabukasan. Nakita ko siya roong nakatayo at para bang may malalim na iniisip. Matagal ko siyang tiningnan mula sa malayo. Wala nga bang nagbago? O baka mayroon?
“Charrie!” sigaw ko mula sa malayo upang kuhain ang kaniyang atensyon.
“Bilis. Ang tagal mo naman. Kanina pa ako rito naghihintay,” kunwaring nagtatampong sabi niya, na tinawanan ko naman.
Habang naglalakad kami, hindi ko na napigilang muling itananong sa kaniya ang mga salitang, “kumusta ka nga?”
“Paulit-ulit naman tayo. Ayos nga lang ako.”
“Hindi ikaw ang Charrie na iniwan ko. Malungkot na ang mga mata mo.”
“Maya, ako pa rin ‘to. Para ka namang ewan d’yan.”
“Sige, sabi mo eh.” Ilang segundong katahimikan ang namayani sa pagitan namin bago siya muling nagsalita.
“Pero mahirap pala talaga, hindi ko alam kung may pinapatunguhan pa ba ako. Nakakapagod habulin ang pangarap na hindi ko naman gusto. Mahirap palang ilaban ang bagay na walang kasiguruhan ang pagsugal. Alam mo ba yaong akala mo makukuha mo na pero bigla na lamang naglaho na parang bula? Ganoon sa pakiramdam”
“Gaano kahirap?” tanong ko, pilit na hinihimay ang bigat sa kaniyang tinig.
“Sobrang hirap. Araw-araw akong nilulunod ng mga what ifs ko, ng mga bagay na hindi ko ginawa para makuha ang gusto ko. Tama bang nanatili ako sa probinsya natin?” malungkot niyang tanong.
“Alam mo ba, naitanong ko rin ang sarili ko kung tama bang nilisan ko ang Bicol. Tama bang nilisan ko ang tahanan na nagbigay sa akin ng kapayapaan? Tama bang iniwan ang lugar kung saan hinubog at tinulungan ako? Was leaving the right choice? Was leaving my home worthy enough to stay in a city that I am not familiar with? Those were the questions I asked myself in my first days, weeks, and months staying in Manila.” I said while looking at the calm waves.
“Mahirap pala talaga ang buhay. Mahirap pala talagang gumawa ng desisyon na maaaring habang buhay na pagsisihan.” Bakas na sa tono ng kaniyang boses na malapit na tumulo ang luhang kanina pang napapansin kong pinipigilan niya.
“But you know what, leaving this place is the right choice. It’s worth enough to stay in a city and chase my dreams there. I didn’t know leaving home would also make me realize things. Ang paglisan pala ay hindi naman laging isang kasalanan o bagay na pagsisisihan habang buhay. Leaving also taught me that chasing my dream in Manila is like chasing the waves,” saad ko habang tinuturo ang alon na papalapit na sa paa naming dalawa.
“Anong ibig mong sabihin?” Bakas sa tono ni Charrie ang pagtataka.
“Waves are powerful yet playful, they come and go quickly na akala mo ay makukuha mo na ngunit biglang uurong pala o hindi kaya ay mawawala,” makahulugan kong saad.
“Ang hirap naman pala.”
“It was hard. Really hard. But I live for the thrill of the chase. Bawat alon ay isang representasyon na sa buhay, may iba’t ibang opurtunidad na darating. Iba’t ibang ako ang bigla na lamang lalabas, at iba’t ibang aral na madadala ko habang buhay. Kaya ikaw, alam kong mahirap at walang kasiguraduhan ngunit alam kong tulad ko ay malalaman mo rin. Ang mga katanungan sa isip mo ay unti-unti mo ring mabibigyang kasagutan,” nakangiting saad ko kay Charrie.
“Salamat. Maya. Ikaw talaga ang tunay kong kapayapaan,” ani niya habang ako ay niyayakap.
“Kung ang paglisan ko'y isang bagay na minahal, pinanindigan, at aking inilaban, sana ang pananatili mo'y mabigyang kalma ang mga tanong na sa iyo'y bumabagabag. Lumaban ka para sa sarili at iyong mga pangarap.”
Kinabukasan, suminag ang bagong araw at ang bagong pag-asa—para sa akin, kay Charrie, at sa lahat ng minsang nawalan. Muli akong aalis sa tahanang unang naging silong, unang g**o, at unang pahinga. Pero ngayon, hindi na ito isang mabigat na paglisan. Payapa na ang puso ko. Lilisanin ko ang tahanang ito upang muling harapin ang lugar na susubok, magtuturo, at huhubog ng panibagong ako—mas matatag, mas handa, at mas buong haharapin ang lahat.
𝐖𝐫𝐢𝐭𝐭𝐞𝐧 𝐛𝐲: Yza Mae Estorninos
𝐈𝐥𝐥𝐮𝐬𝐭𝐫𝐚𝐭𝐞𝐝 𝐛𝐲: Kresseljohn Xyla Murao
𝐋𝐚𝐲𝐨𝐮𝐭 𝐛𝐲: Juan Paolo Far
𝐒𝐨𝐜𝐦𝐞𝐝 𝐌𝐚𝐧𝐚𝐠𝐞𝐫: Darnielle Nicole De Guzman