30/10/2025
𝗣𝗔𝗚𝗧𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 | 𝗦𝗺𝗮𝗿𝘁-𝗨𝗽! 𝟮𝟬𝟮𝟱: 𝗣𝗮𝗴𝗱𝗶𝗿𝗶𝘄𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗴 𝗸𝗮𝘁𝗮𝘁𝗮𝗴𝗮𝗻 𝗮𝘁 𝗸𝗮𝗺𝗮𝗹𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗦𝗧𝗘𝗠
Davao City — Sa kabila ng mga pagsubok sa paghahanda at ng matinding sakunang tumama sa rehiyon, matagumpay na naisagawa ng Philippine Science High School – Davao Region Campus in Davao City (PSHS-DRCDC) ang Pisay Smart-Up! 2025 noong Oktubre 29. Kaisa ang 36 na elementaryang paaralan mula sa buong Davao Region, ang ikapitong edisyon ngayong taon ang itinuturing na pinakamalaki sa kasaysayan ng programa.
Ang Smart-Up! 2025 ay nakatakdang iraos noong Oktubre 10, ngunit ipinagpaliban matapos yanigin ng magnitude 7.4 na lindol ang rehiyon. Naghatid man ito ng pangamba, lalo lamang tumibay ang determinasyon ng mga g**o, mag-aaral, at buong komunidad upang ituloy ang programa—ang naging bunga: hindi lamang isang patimpalak, kundi isang pagdiriwang ng katatagan, pagkakaisa, at pag-asa ng kabataan.
𝗛𝗶𝗴𝗶𝘁 𝗽𝗮 𝘀𝗮 𝗺𝗲𝗱𝗮𝗹𝘆𝗮 𝗮𝘁 𝘁𝗿𝗼𝗽𝗲𝗼
Bagama’t nangingibabaw ang kinang ng mga medalya at bigat ng mga tropeo, binigyang-diin ni PSHS-DRCDC CID Chief Bb. Jearvy Lañohan ang hindi nasusukat na tagumpay ng mga medalya.
“Remember that winning is not just about the trophy but about the lessons learned, the friendships built, and the strengthened character through participation,” aniya sa kaniyang Pangwakas na Pananalita.
Para sa bawat kalahok, ang tunay na panalo ay ang pagbibigay ng lahat ng makakaya; ito’y isang sagradong tagumpay na hindi kumukupas.
𝗣𝗮𝘀𝗮𝘀𝗮𝗹𝗮𝗺𝗮𝘁 𝗮𝘁 𝗺𝗶𝘀𝘆𝗼𝗻
Sa isang Special Gratitude Message, kinilala naman ni Bb. Teresa Pamela Soriano ang dedikasyon at determinasyong naging puwersa sa likod ng matagumpay na programa.
"Thank you all for making the seventh year of Pisay Smart-Up! a beautiful celebration of resilience, collaboration, and for that we will be spending more years in empowering young minds in building a better future together," ipinahayag niya.
Dama sa mensahe ni Bb. Soriano ang tunay na diwa ng Smart-Up!, ang magsilbing tanglaw ng kabataang may tapang mangarap, at mga g**ong katuwang na handang gumabay tungo sa higit na matiwasay na kinabukasan hindi lamang sa agham, bagkus para sa lipunan.
𝗕𝗼𝘀𝗲𝘀 𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗯𝗮𝘁𝗮𝗮𝗻
Ibinahagi naman ni PSHS-DRCDC Student Government President Marita Natasha Bautista na naipamalas ng Smart-Up! 2025 ang pinakapuso nito: na mas maagang mahubog ang kuryosidad at talino ng kabataan sa agham, gaano man kalaki ang hamon.
“It took great effort, integrity and most importantly the courage to be here today despite the tears, sleepless nights, and the earthquake… And no matter the score or ranking you got, your perspective on future sustainable development is integral—especially your representation as Filipino youth in STEM,” ani Bautista.
Ang Closing Program ay nagsimula sa isang makabagbag-damdaming harana mula sa Glee Club Seniors, na sinundan ng Special Gratitude Message ni Gng. Soriano, Awarding Ceremony, at ang Same-Day Edit ng SIKHAY Media and Current Affairs. Binigyang-saysay naman ng Closing Remarks ni Gng. Lañohan at ng pagtatanghal ng Oasioas Seniors ang pormal na pagtatapos ng programa.
Maaari mang kumupas ang medalya, ngunit ang katatagan, pangarap, at pag-asa ng kabataang Pilipino sa STEM ay magpapatuloy na magningning para sa isang mas maunlad at inklusibong kinabukasan. Mabuhay ang Pisay, mabuhay ang Smart-Up!
𝐊𝐢𝐭𝐚𝐤𝐢𝐭𝐬 𝐬𝐚 𝐒𝐦𝐚𝐫𝐭-𝐔𝐩! 𝟐𝟎𝟐𝟔!
| Sulat ni Krishna Jazz Ares, Fiona Mikaela Galendez, at Alexandrea Gamale
| Mga larawan nina Patience Mile Banlasan, Wilhelm Colin Barcenas, Ethan Bradly Chua, Francis Gabriel Dangoy, Thea Kathrine Galvez, at Rhaizyll Clyte Giltendez